KUMUSTA naman ang mga walang habas na pumupuna sa pagdaraos sa Filipinas ng SEA Games? Nakatulog na ba kayo sa pagbibilang ng pagbuhos ng gintong medalya ng Filipinas na pormalidad na lang ang hinihintay upang opisyal nang ideklara na overall champion ang koponan ng Filipinas.
Kumusta naman ang mga ‘kalde-kaldero’ at ‘kikiam’ diyan? Aba’y dahil siguro sa walang habas na paghambalos ninyo sa organizers ng SEAG kaya ginanahan nang todo ang ating mga atletang Pinoy sa tulong ng kanilang mga coach para sungkitin ang 113 gintong medalya, noong umaga pa lamang ng day 9 ng kompetisyon.
Kapantay nito ang 112 gold medals na nasungkit ng Filipinas sa 2005 SEA Games na ginanap din sa bansa.
At dahil sa determinasyon ng mga atletang Pinoy at pagsisikap ng Duterte administration, Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o PHISGOC sa pangunguna ni House Speaker Alan Cayetano at iba pang sports officials, natupad ang pangarap ng sambayanang Filipino na makuha ang korona sa patapos na 30th Southeast Asian Games 9.
Hindi pa tayo titigil aa 112 gold medals dahil marami pang sports events na lalabanan ang ating mga manlalaro kasama ang boxing at iba pang sports events.
Aba’y asahan na natin ang patuloy na pamamamayagpag at paghakot ng medalya ng ating koponan. Sila po ay inspirado at ganadong maglaro hindi lamang para sa sarili kundi para sa bansa.
Sino ba naman ang ‘di gaganahan sa pagsabak sa laban kung makikita ng mga world class facilities na itinayo ng gobyerno para sa SEA Games.
Panawagan natin sa bashers at mga pumupuna, bakit di ninyo isama sa pinapasalamatan ngayon ang mga organizers ng SEA games maging ang volunteers na nagsakripisyo para mairaos nang maayos ang palaro.
Bakit kapag bad news, ang bilis ninyong makasisi lalo kay Speaker Cayetano na isa sa mga dahilan kung bakit sa Filipinas ginawa ang palaro.
O ngayong good news na, ‘di ba pwedeng magsabi ng thank you Speaker Cayetano. Pasalamatan din ang Pangulo at ang lahat ng tumulong sa SEA Games. Ang BCDA ang DPWH, at iba pang ahensiya ng gobyerno.
At dahil sa tagumpay ng SEA Games, ayan, sa Filipinas na gagawin partikular sa Aquatic Center sa New Clark City sa Tarlac, ang isang international swimming competition na lalahukan ng 50 bansa. Maging ang turismo ng Filipinas uusbong nang husto dahil dito.
Kaya tayo ay mag-celebrate at palakpakan ang mga ateletang Pinoy lalo ang mga nakapagtala ng record breaking moments sa 30th SEAG kabilang ang pagbasag ni Kristina Knott sa national record ni Lydia de Vega sa 200m women’s run na kanyang pinagreynahan sa loob ng 33 taon.
Tinapos din ng PH men’s volleyball team ang paghahari ng Thailand sa SEAG volleyball event. Nakopo ng grupo ang gintong medalya na sunod-sunod na pinanalunan ng Thailand sa loob ng limang taon. Ang panalo ni surfer Roger Casugay ng gold medal matapos iligtas ang karibal na Indoneaian surfer sa peligro.
Palakpakan natin ang mga atletang Filipino at lahat ng nasa likod sa pagdaraos ng 30th SEA Games.
We WON as one!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap