INAPROBAHAN na ng Sangguniang Panglungsod ang P17.8 bilyong executive budget sa taong 2020 para sa lungsod ng Maynila.
Si Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang tumayong presiding officer sa Konseho na nanguna sa pagpasa sa nasabing pondo sa ika-33 regular session gayondin si Majority floor leader at 3rd District Councilor Atty. Joel Chua.
Makatutulong ang inilaang pondo para sa mga programa at proyekto ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para sa itinakdang misyon at bisyon sa “Bagong Maynila.”
Ayon sa alkalde, mahigit P10 bilyon ang ilalaan para sa kapakinabangan ng mga Manileño na gagamitin sa economic services at social amelioration program.
Kabilang dito ang pagbibigay ng mga benepisyo para sa senior citizens, persons with disability, solo parent, pagkakaroon ng allowance sa Grade 12 at college students sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa lungsod.
Pinaglaanan din ng pondo ang “in city vertical housing program” ng lokal na pamahalaan para sa mga informal settlers sa Maynila upang magkaroon ng maayos na tirahan at disenteng pamumuhay.
Matatandaan, panahon pa lamang ng kampanya nang ipangako ng alkalde na prayoridad niyang mabigyan ng benepisyo ang mga Batang Maynila.