Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Mag-ingat sa raket ng isang Immigration officer (Attn: SoJ Menardo Guevarra)

NAKATANGGAP tayo ng reklamo mula sa isang malapit na kaanak natin na nabiktima ng estafa ng isang dating Immigration offixer ‘este Officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Tinukoy ng biktima ang isang Jayson Cutaran aka Jun Wei Lee na dating Immigration Officer pero ‘pansamantalang’ nag-resign sa BI.    

‘Di naglaon, dahil nakakuha umano ng konek sa isang staff ng DOJ undersecretary, nakabalik si Cutaran sa Bureau of Immigration (BI)  bilang Admin Officer at nakatalaga ngayon sa Airport Operations Section na pinamumunuan ni Ms. Elsie Lucero sa BI-NAIA T-3!

Nagawa umano nitong si Cutoran ‘este Cutaran na kombinsihin ang ating kakilala na magtayo at magsosyo sila sa isang manpower agency na magpapadala ng mga tao sa Middle East dahil ipinagmalaki raw ng hindoropot na siya ay well-connected sa BI maging sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA)?!

Feeling powerful ka bata!

Ang magiging “modus” umano ay magpadala ng mga Pinay tourists na magtatrabaho sa Middle East. Katulong daw ang isang Araba na bilang principal o employer na galing Saudi.

Naturalmente, sino naman ang hindi maeengganyo dahil buong akala ng kanyang kasosyo ay legit na hanapbuhay.

Hanap-maloloko pala!

Matapos gastusan ng biktima na umabot sa P7 milyones biglang nagsolo-flight ang ungas na si Cutaran kahit hindi pa nagsisimulang mag-operate ang kanilang manpower agency.

Ay sus!

Binulag pala!

Lumipas ang ilang buwan na walang report na natatanggap ang financier at kasosyo nitong si kawatan ‘este Cutaran, at ang masaklap ay napag-alaman ng biktima na matagal na palang nagpapaalis ng mga turistang magtatrabaho sa middle east.

Binulag na binukulan pa!

Halos umabot na raw sa 100 katao ang napapaalis nito nang hindi man lang siya sinasabihan o napapartehan?!

Take note ha!

Turista lahat ang mga pinaalis niya!

Mr. Cutaran, hindi mo puwedeng i-deny ‘yan dahil nakuha ng iyong biktima ng pang-i-estafa ang mga pangalan at flight number pati ang instructions mo kung saang immigration counter idaraan ang mga isinalya mong pasahero.

Sonabagan!

Biglang inetsapwera ang kasosyo?!

Wala na ngang puhunan, inisahan pa?!

Bukod pa riyan, humingi pa raw ng retainer’s fee (monthly) ang hindoropot para ipang-PR sa mga kausap sa itaas?!

Ibang klase pala ang siba nito sa kwarta!

Buti na lang at nakakuha ng ebidensiya ang kinawawang business partner ni Cutaran.

Kasama na riyan ang listahan ng mga pinaalis na mga pasahero maging ang mga text niya sa mga daraanang IOs sa airport.

Kasama pa raw ang mga deposit slips na hawak ng kanyang kasosyong na-1-2-3.

May paper trail pa pala!

Napakatibay na ebidensya!

Swak na swak sa estafa at human trafficking?!

Hindi malayo na humimas ka ng rehas bata!

Ewan lang natin kung masasalo ka ng ipinagkakalat mong backer mo sa DOJ kapag sumampa na ang reklamo at kasong isasampa ng biniktima mo?!

Calling your attentions, SOJ Menardo Guevarra and BI Commissioner Jaime Morente.

Bakit hindi ninyo ipa-lifestyle check si Cutaran nang malaman ninyo kung gaano na ang kanyang iniyaman!

Kung kailangan n’yo ng mga ebidensiya mabibigyan po namin kayo!

 

‘SA PULA SA PUTI’
O COLORS GAME
HINDI RAW ILEGAL SABI
NG MGA PERYANTE

Pasintabi…

Muntik po akong malaglag sa upuan nang mabasa natina ng isang press release.

Kaugnay po ito ng reklamo ng peryante groups na inihain sa isang government agency.

Reading between the lines, ang mga peryante ay nagsusumbong sa isang task force agency dahil sila umano ay ‘ginagatasan’ ng mga tiwali at nagpapakilalang mga taga-media.

‘Ginagatasan’ dahil sa loob ng peryahan ay mayroong nag-o-operate ng ‘ilegal na sugal.’   

Pero ‘ipinagtanggol’ ng Perya Industry of the Philippines Association (PIPA) na pinamumunuan ng isang President Evelyn Mendoza, na ang colors game o mas kilala sa tawag na “sa pula sa puti” ay hindi ilegal.

Batay umano ito sa mga desisyong inilabas ng iba’t ibang city prosecutors office (CPO) sa mga lalawigang humawak ng mga kasong isinampa laban sa mga peryante ng pulisya base sa mga reklamong natanggap nila.

Mismong ‘yung PIPA president ang nagsabi, base umano sa mga inilabas na desisyon ng mga CPO, ang “colors game” ay hindi nabibilang sa mga bawal na sugal na isinasaad sa ilalim ng Presidential Decree No. 1602.

Anila, lahat ng operasyon nila sa iba’t ibang lugar sa mga lalawigan o kamaynilaan ay dumaraan sa tamang proseso ng pagbabayad ng tamang buwis sa mga lokal na pamahalaan.

Sa pama­magitan umano ng ‘amusement tax’ sila ay pinahihintulutan na makapaglagay at mag­kapag-operate ng peryahan sa kanilang mga lugar.

Kasama sa mga isinusumbong ng grupo ng mga peryante ang 400 kasapi ng media na umano’y tumatanggap ng ‘kotong’ mula sa kanila.

At ‘yan ang dahilan kung bakit muntik na tayong malaglag sa upuan…

Ang tanong ngayon, ang pagsusumbong ba na ‘yan ng PIPA ay may kaugnayan sa pagpaslang sa kolumistang si Jupiter sa tapat ng peryahan?!

Ang itinuturong suspek sa nasabing pamamaslang ay sinabing ‘poste’ ng peryahan pero paglaon ay sinabing ‘publicist’ ng peryahan — isang Armando Maglaya Velasco, alyas Ambet.                  

Narito ngayon ang mga tanong: kung matagal nang hina-harass ng mga tiwaling taga-media ang mga taga-perya, bakit kailangang paslangin muna ng isang ‘publicist’ ang isang gaya ni Jupiter bago magreklamo ang perya groups?!

Kung hindi ilegal o walang ilegal na sugal sa loob ng kanilang mga peryahan, bakit pumapa­yag ang mga perya operators na ‘kotongan’ sila ng sinasabi nilang 400 mamamahayag kada linggo?!

Bakit kailangan ‘ayusin’ ng mga peryante ang 400 na taga-media, milyones ba ang kinikita ng mga operators sa kanilang mga pipitsuging rides?!

At kung walang ilegal sa kanilang mga operasyon, bakit nagkakaroon ng pagkakataon o bakit pumapayag  silang i-harass ng mga ‘tiwaling’ taga-media at sabi nga nila’y mga pulis?!          

At higit sa lahat, bakit sa Philippine Task Force on Media Safety (PTFoMS) nagsusumbong ang grupo ng mga peryante? Bakit hindi sa mga kaukulang awtoridad nang sa gayon ay madakip ang mga tiwaling taga-media?!

Hay naku… ang sabi nga ng mga beterano, hindi kami ipinanganak kahapon lamang.

‘Yun lang po. 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *