MULING pinabilib ng young actor na si Julio Cesar Sabenorio ang mga manonood ng kanilang pelikulang Guerrero Dos, Tuloy ang Laban. Kakaiba kasi ang husay at natural na pag-arte ang ipinamalas dito ni Julio.
Marami ang napaiyak sa pelikulang ito sa ginanap na advance screening sa magarang INC Museum Theater last October 25.
Actually, noong part one ng pelikulang ito ay nagpakita rin ng galing ang naturang young actor. Kaya naman nanalo siyang Movie Child Performer of the Year sa Star Awards ng Philippine Movie Press Club noong 2018.
Kasama sa cast ng pelikula si Genesis Gomez bilang Ramon Guerrero, plus sina Art de Guzman at Mia Suarez na gaganap ng bagong karakter sa pelikulang ito. May special na role rin dito ang veteran actor na si Victor Neri.
Ang pelikula ay ukol sa ups and downs ng buhay, na ipinakita rito ang mga pagsubok na pinagdaanan ng pamilya Guerrero mula nang na-comatose si Ramon dahil sa boksing. Naibenta man ang kanilang bahay at nadagdagan pa ng pagsubok sa buhay na dapat harapin ang nakababatang Guerrero na si Miguel, hindi pa rin siya sumuko at positibo pa rin ang naging pananaw niya sa buhay.
“It is the mission of EBC Films to provide quality, entertaining films that teach moral values and inspire people to do what is right. Guerrero Dos, Tuloy ang Laban reminds us that we all face our own struggles but we should not give-up nor surrender,” saad ni Robert Capistrano ng EBC Films’ Head of Operations.
Mula sa pamamahala ni direk Carlo Ortega Cuevas, ang Guerrero Dos, Tuloy ang Laban ng EBC Films ay ipalalabas na sa mga sinehan sa November 2019. Matapos nito ay mapapanood din ang pelikula internationally.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio