NAGBITIW, iniwanan o biglang bumaba sa kanyang puwesto bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si P/Gen. Oscar Albayalde.
‘Yan ay dahil sa nabuhay na isyu ng ‘ninja’ cops na sinabing mga eksperto sa pagre-recycle ng mga nakukuhang ilegal na droga sa malalaking suspek.
Tinaguriang ‘ninja’ ang nasabing mga pulis dahil sa kanilang mga sorpresang pag-atake at pandarambong laban sa mga grupong ilegal.
Pero imbes, iharap sa batas, kinokompiska ng ‘ninja’ cops ang kanilang mga kontrabando gaya ng ilegal na droga para sila ang maglarga sa ‘merkado.’
Nakagugulat na mula sa isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) dahil sa kaso ni Calauan Mayor Antonio Sanchez ‘e biglang nailiko sa isyu ng ‘ninja’ cops ang imbestigasyon ng senado at umimbudo kay Albayalde.
Kaya ang masasabi natin diyan, kung may naitatagong pandora’s box ang mga opisyal ng pamahalaan, siguraduhin ninyong malinis na malinis ninyong naidispatsa ang susing magbubukas kung ayaw ninyong makaranas ng isang ‘sorpersang’ sasambulat sa akala ninyo’y tahimik na pamumuhay.
Ang tanong, desisyon kaya ni Albayalde ang bitawan ang kanyang posisyon o mayroong nag-utos sa kanya?!
Oca San, discraceful ‘este graceful exit nga ba ang ginawa ninyo? Kusang loob ba kayong bumaba o kayo’y pinababa?!
Sa isang banda makabubuti na rin ‘yan para hindi siya binabato ng kanyang mga kritiko.
Ang dapat niyang gawin ngayon, paghandaan at harapin ang kanyang pagreretiro at sana’y maayos niyang makuha ang kanyang mga benepisyo.
Alam naman ninyong mahirap magretiro kapag may kaso. Kaya dapat ay unahan at bilisan na niya.
Sana’y huwag din maunsiyami ang pangakong bibigyan siya ng puwesto pagkatapos magretiro sa PNP.
Hindi man naging happy ending ang kanyang career, sana’y makuha naman ang para sa kanya.
By the way, blessing in disguise din ito dahil magkakaroon na siya ng time with his Chinese friends sa kanilang big biking activities.
Sa madaling sabi, makapagba-bonding na sila nang husto.
Good luck on your new endeavours, Gen. Albayalde!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap