Saturday , November 23 2024

Walang direksiyong traffic management panahon na para seryosohin at resolbahin nang tama

SENSIBLE para sa inyong lingkod ang mungkahi ni Caloocan City Rep. Egay Erice.

Sa wakas nakarinig din tayo nang matino-tinong suhestiyon mula sa hanay ng mga mambabatas.

Ang mungkahi ni Cong. Egay, gamiting “mass transport highway” ang Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Bilang vice chair ng House committee on Metro Manila development, masasabi nating makabuluhan ang mungkahing ito lalo’t lahat ng ginawang eksperimento sa EDSA ay puro palpak at hindi rin nakatulong para lumuwag ang trapiko ng mga sasakyan.

Simple lang naman ang rason kung bakit hindi ganoon kadaling paluwagin ang trapiko sa EDSA, ibig sabihin sobra-sobra na ang mga sasakyang dumaraan sa nasabing highway kaya hindi na talaga luluwag ito.

Grabe ang violent reactions ng mga nainis sa mungkahi ni Cong. Egay na huwag na munang paraanin sa EDSA ang mga pribadong sasakyan  mula 6:00 hanggang 9:00 am, at mula 6:00 hanggang 9:00 pm o rush hours tuwing weekdays. Iminungkahi niya ito sa pagdinig ng 2020 budget proposal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Mantakin n’yo nga naman, halos 300,000 private cars ang dumaraan sa EDSA araw-araw kompara sa halos 8,000 buses.

‘E kung 8,000 buses plus ‘yung iba pang mass transportation gaya ng UV Express ang daraan diyan,  malaking kabawasan ‘yan sa masikip na trapiko sa EDSA.

Maraming nag-react sa mungkahi kasi nga maaapektohan umano ang commercial industry gaya ng freight services at iba pang deliveries ng iba’t ibang produkto mula sa Port Area o mula sa iba’t ibang warehouse.

Pero hindi ba’t maraming ginagawang expressways  na puwedeng maging alternatibong daan ng mga private and commercial vehicles? Gaya ng skyway na ang ibang bahagi ay tapos na at nadaraanan na ng ibang mga sasakyan. Para saan ba ang paggawa nang paggawa ng mga kalsada kung hindi rin namin magiging alternatibong daan?! Mas dapat na iimbuwelta roon ang mga pribadong sasakyan at ilang commercial vehicles.

Dapat na rin umanong ayusin ang kategorya ng mga UV Express, TNVS at mga motorsiklo.   Ikinokonsidera bang private o public transport ang nasabing mga sasakyan? Ilan lang ‘yan sa mga dapat ikonsidera.

Baka sa mungkahing ito ni Cong. Egay ay maintindihan ng mga opisyal ng pamahalaan kung bakit kailangan i-prioritize ang pagsasaayos ng mass transportation.

Mas marami kasing Filipino ang magigin­hawaan sa mabilis na biyahe at makababawas pa ng volume ng sasakyan sa kalye. Sa simpleng paghahambing kung  gaano kalaking espasyo ang nasasakop ng isang bus na may sakay na 60 hanggang 70 pasahero sa EDSA kompara sa isa o dalawang private car na ang sakay ay dalawa hanggang apat na pasahero lang?!

Hindi nga natin alam kung bakit pinag-iinitan ang mga pampublikong behikulo gaya ng mga bus, jeepneys, at UV Express, gayong sila ang nakapaghahatid ng mas maraming pasahero.

‘Yan din ang mga behikulong sinasakyan ng manggagawa, estudyante, teachers, pangkara­niwang private sector employees, at public sector employees.

‘Yung iba nga na nabuwist na sa trapiko, nag-ipon ng pang-down sa motorsiklo at bumili ng gaga­mitin nila sa pagpasok sa trabaho at pag-uwi sa pamilya. Kasi nga punding-pundi na sila sa bulok na sistema ng “mass transportation” sa bansa. Kaya hayan, marami na sila ngayon sa kalsada. Imbes i-regulate ang mga motorsiklo, ang gusto na lang ng ahensiya ng pamahalaan sa transportasyon ay hayaan silang makipag­kare­rahan sa malalaking sasakyan sa mga pangunahing lansangan.

At hindi matatapos ang problemang ito kung hindi kikilalanin ang tunay na problema sa traffic management. Kapag natukoy at kinilala ng pamahalaan ang problema, doon lamang mare­resolba ang trapiko nang tama at siyentipiko. 

Dapat intindihin na ang problema sa trapiko ng bansa ay hindi lang simpleng pagkakabuhol-buhol ng mga sasakyan sa EDSA at sa iba pang lansangan.

Panahon na para kalapin ang pinamahuhusay na suhestiyon at tipunin sila sa isang komperen­siya para ma-validate at mapakinabangan ng pamahalaan ang mga makabuluhang ideya.

Ilan sa mga ugat ng suliranin sa trapiko ang kawalan ng kontrol at regulasyon sa pagbili o pag-aari ng pribadong sasakyan.

Hindi displinado at mga abusadong drivers, mga motorista at pedestrians.

Hindi estriktong pagpapatupad ng loading at unloading zone. Bakit hindi ipatupad ang 2-5 kilometers interval ng loading and loading zones nang matutong maglakad ang mga Filipino? Hindi ‘yung kung saan lang gustong bumaba na nakaaabala sa buong sistema ng pagtakbo ng sasakyan lalo sa highways.

Gamitin ang number coding base sa plaka ng sasakyan hindi lamang para sa isang araw na pagbabawal  na lumabas sa kalsada sa loob ng isang linggo kundi sa pagtatakda ng ruta lalo na kung pribado.

Magtakda ng area para sa mga pedestrian nang sa gayon ay hindi sila humahalo sa mga sasakyan.  Dapat na rin turuan maglakad nang malayo-layo ang mga pedestrian gaya sa ibang bansa nang sa gayon ay hindi nababalam ang trapiko kapag gusto nilang ihinto ang sasakyan kung saan nila gusto.

Huwag din pangibabawin ang interes ng mga kompanya ng sasakyan, financing companies at mga banko kapalit ng pagkalulong sa utang ng mga Filipino para lang maubos ang mga tinda nilang auto.

Isa ‘yan sa mga sanhi ngayon ng trapiko sa bansa, ang pagbaha ng mga kotseng hindi nabibili sa ibang bansa at dito itinatambak sa Filipinas.

Higit sa lahat magtrabaho nang tapat at tama ang mga ahensiya ng LTFRB at LTO sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) at MMDA nang sa gayon ay tuluyan nang maibsan ang problema sa trapiko.      

Huwag puro papogi at malasakit sa sariling bulsa ang isipin. Magserbisyo sa publiko.

‘Yun lang.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *