Friday , November 15 2024
Sipat Mat Vicencio

Resign, Tugade, resign!

WALA naman dapat kasing naging problema sa hinihinging emergency power ni Transport Secretary Arthur Tugade kung kaagad-agad ay nagpakita ng isang comprehensive master plan sa Senado na tutugon sa problema ng trapiko sa Metro Manila.

Pero sablay talaga itong si Tugade.  Mara­ming palusot, at sa halip amining walang master plan ang Department of Transportation o DOTr, kung ano-ano pang palusot ang kanyang binitiwan sa harap ng mga senador.

Ang hinihinging emergency power kung tuluyang maipapasa ng Kongreso ay ipagkakaloob kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte para raw tuluyang matapos na ang problema ng trapiko sa Metro Manila lalo sa EDSA.

Pero ano pa bang emergency power ang hinihingi ng Malacañang kung halos lahat ng kapangyarihan ay nasa kanila na para tuluyang malutas ang problema sa trapiko?  Sa tatlong taon na panunungkulan ni Digong, hindi pa ba sapat ang mahabang panahong ito para mabigyan ng solusyon ang problema sa trapiko?

Kaya nga, hindi dapat ipagmalaki ni Tugade na kung maipagkakaloob kay Digong ang emergency power, ang problema sa trapiko ay mabibigyan ng solusyon. At tulad ni Digong, si Tugade ay tatlong taon na rin sa DOTr pero lumalabas na hindi kumilos dahil hanggang ngayon ay sala-salabat pa rin ang trapiko sa EDSA.

Mukhang hindi rin alam ni Tugade ang proseso sa Senado na sa pamamagitan ng mahigpit na debate o deliberasyon ng mga mambabatas, ang isang panukalang batas ay kailangan himaying mabuti bago ito maipasa sa isang komite.

Dapat din maintindihan ni Tugade na hindi dahil sa isang pangulo ang humihingi ng emer­gency power ay mabilis, kaagad, pronto at ora-orada na ipagkakaloob ito ng Senado kay Digong.

Sabi nga… “No way, Jose!”

At ngayon naman, sasabihin ng DOTr na hindi nila kargo ang usapin sa traffic manage­ment samantalang napakalinaw ng sinasabi sa kanilang mandato na… “The Department of Transportation is the executive department of the Philippine government responsible for the maintenance and expansion of viable, efficient, and dependable trans­portation system as effective instruments for national recovery and economic progress.”

At sa kabila ng pagkakabinbin ng panukalang batas na magbibigay ng emergency power kay Digong, sinabi ni Tugade na kanyang ipagpapatuloy ang mga programa at proyekto sa kanyang tanggapan para masolusyonan ang problema ng trapiko sa Metro Manila.

Pero kahit na ano pa ang gawin ni Tugade, ang realidad ay nariyan pa rin, at ang malalang problema sa trapiko ay araw-araw na puma­patay sa mga simpleng mananakay.

Para kay Tugade, mag resign ka na!

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *