MAY pamahiin ang mga matatanda na ”tatluhan kung dumating ang mga bagay o pangyayari.”And this is either good or bad.
Kung ire-relate ito sa showbiz, swak na swak ang paniwalang ito sa kaso ni Ai Ai de las Alas, hindi dahil tatlo ang anak niya o tatlong dekada na siya sa industriya.
Tatlong magkakasunod kasi sa loob ng second at third quarters ng kasalukuyang taon ang mga nag-flop niyang pelikula.
Isa-isahin natin. Ang Mother’s Day offering na Sons of Nanay Sabel, na kasama niya ang noo’y mga inaalagaang miyembro na all-male rap group na Ex-Batallion ay isang certified flop sa takilya.
Nitong July naman, ang Feelennial na kasama niya si Bayani Agbayani ay isa ring bangungot sa mga sinehang pinagpalabasan nito, kesyo ang ganda-ganda ng kanilang screen tandem. Idagdag pa ang mga papuri mula mismo sa isa sa mga prodyuser nito, si Pops Fernandez.
Ang ikatlo ay ang And I Thank You with Dennis Padilla na isang artista ang papel na ginampanan ng binansagang Comedy Concert Queen.
Ayon kay Ai Ai, ‘yun na ang huling film project na tatanggapin niya para bigyang-daan ang matagal na niyang planong pagbubuntis by her husband Gerald Sibayan.
Naku, noon pang December 2017 (petsa ng kanilang kasal) namin naririnig ang “press release” na ‘yan ni Ai Ai, even their supposed honeymoon sa Japan na hindi naman natuloy-tuloy.
May mahalagang mensaheng nakapaloob kung bakit nakatatlong floppey na si Ai Ai sa maikling panahon of the same year.
Patumpik-tumpik kasi siya sa kanyang mga plano, gayong ano ba naman ‘yung huwag na muna siyang tumanggap ng pelikula if at all ay gusto nga niyang mabuntis?
Aanhin ni Ai Ai ang pagkarami-raming pera mula sa paggawa ng mga pelikula, eh, bulsa lang niya ang nagkalaman at hindi ang produ?
Sey ni Ai Ai, by hook or by crook ay kailangan niyang magbuntis. ‘Yun naman pala, eh, ‘di itigil muna niya ang paglabas-labas sa pelikula at tuklasin sa anumang paraan kung paano nga siya magiging expectant mother to her fourth child if ever.
And mind you, hindi magandang record ang three-in-a-row na ‘yan, ha? Bagama’t kahit naman pinakasikat na artista’y mayroon ding floppey na pelikula, record-breaking yata ‘yung tatlong sunod na wala man lang mahabang pagitan or alternate man lang (kikita-flop-kikita-flop).
Baka mag-”tatlong isip” din ang produ. Naku, magamit lang daw ang number three, o!
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III