NAMUMUO ang isang bagong iskema ng korupsiyon sa Kamara ng mga Representante na posibleng maghunos bilang “bagong Napoles scam.”
Ayon sa ilang taga-Committee on Appropriations, ang nilulutong iskema ay tila inobasyon ng tradisyonal na ‘pork barrel scheme’ na kinokontrol ng binansagang “Reyna ng Appro” na sinabing retiradong director.
Katuwang ng retiradong director ang inirekomenda niyang pamangkin para makontrol ang badyet na nakalaan sa priority development assistance fund (PDAF) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dating opisyal ng Committee on Appropriations ang retiradong opisyal pero nagawa niyang makabalik bilang consultant dahil ‘na-hostage’ niya ang proseso sa pagbabadyet at koordinasyon sa mga kongresista.
Nagduda ang ilang nagmamasid kung bakit nakabalik sa posisyon ang retiradang opisyal na gumawa ng paraan upang mahawakan ng kanyang pamangkin ang maseselang transaksiyon sa paglalaan ng pondo.
Target sa maniobra ang badyet sa tradisyonal na PDAF ng mga kongresista at ang dambuhalang pondo na nakalaan sa DPWH.
Pinagdududahan ang pagtatalaga bilang consultant sa retiradang opisyal dahil hindi siya ‘tauhan’ ng matataas na opisyal sa Kamara tulad nina Speaker Alan Peter Cayetano, Majority leader Martin Romualdez at maging ng incoming speaker na si Rep. Lord Alan Cayetano.
Sinasabing paroon at parito sa ibang bansa ang ‘magtiyahin’ dahil isinasama sila ng mga kongresista sa mga official travel bukod pa ang pambihirang lifestyle.
Imbes mag-opisina sa tanggapan ng committee on appropriations, ang magtiyahin ay gumagawa ng transaksiyon sa opisina ng isang kongresista na may kontrol ngayon sa paglalaan ng mga pondo.
Demoralisado ang mga kawani sa Committee of Appropriations dahil itinatago sa kanila ang pag-aayos ng transaksiyon sa paglalaan ng pondo.
Nagtatanong ang ilang grupo kung anong ‘mina’ ng kayamanan mayroon ang tanggapan ng committee chairman at kung anong klase ng ‘silya’ ang nasa mesa nito dahil doon naglalagi ang ‘magtiyahin’ sa pag-aayos ng pondo imbes sa tanggapan ng Committee on Appropriations.