NAGDEKLARA ang Department of Health (DOH) ngayong Lunes, 15 Hulyo, ng National Dengue Alert sa bansa dahil sa mabilis na pagtaas na kaso ng nakamamatay na sakit sa ilang rehiyon.
Ito na ang kauna-unahang pagkakataon na itinaas ang naturang alerto sa bansa.
Ang dengue ay pinakamabilis na kumakalat na infectious disease sa buong mundo.
Nakaaapekto ito sa daang-milyong indibiduwal at nagiging dahilan ng pagkamatay ng nasa 20,000 katao, partikular sa mga bata kada taon.
Noong 2017, itinigil ng gobyerno ang pagbebenta ng dengue vaccine na Dengvaxia at ang paggamit nito sa immunization drive sa bansa matapos isiwalat ng Sanofi, ang French maker nito, mas nakasasama ito para sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Itinuturo rin ang Dengvaxia na umano’y naging sanhi ng kamatayan ng ilang estudyanteng nabakunahan nito.
Dahil sa isyu, bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna sa bansa nang 40 percent noong nakaraang taon mula sa average 70 percent sa mga nakalipas na taon.