OBVIOUS na inaabangan nang marami ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na tinatampukan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Sa trailer pa lang ng movie nina Kath at Alden na inilabas last Monday, nagkaroon na agad nang higit 895 thousand views. Of course, nadagdagan pa ito at ang teaser ay higit 2.5 million naman agad. As of yesterday, Tuesday ay may 1.5 million views na ang trailer nila sa Facebook, 1.6 million views sa Twitter, at 1.2 million views sa Youtube.
Sa mga positibong feedback sa movie nina Kath at Alden, siguradong mababawasan ang nararamdamang kaba ni Alden. Aminado kasi Ang Kapuso actor na may halong kaba siyang nararamdaman sa nalalapit na showing ng pelikula nila ni Kath.
Taliwas naman kay Kath na kompiyansang susuportahan at panonoorin ng fans nila dahil maganda ang kuwento at pagkakagawa nito. Plus, ito ay tribute nila sa ating OFWs na itinuturing na bagong bayani ng bansa.
Marami nga ang natutuwa sa chemistry nina Kath at Alden dito at may mga fan na kinikilig nang todo sa dalawa.
Ang pelikula ay hinggil sa istorya ng OFWs na sina Joy (Kathryn) at Ethan (Alden) na nakabase sa Hong Kong. Makikita sa trailer kung paano sila nag-struggle para piliin ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa o ang pagpupunyagi para sa kanilang mga pangarap sa buhay.
Nakita rin sa trailer ng movie ang mga hugot lines na viral na rin at sumikat na agad sa netizens tulad ng linya ni Kath na, “Kung mahal mo ako bakit pinapapili mo ako?” At ang dialogue ni Alden na, “I’ll take whatever you can give.”
Saad pa ni Kath sa isang panayam, “Nakatulong na isang buwan kami roon, so na-observe namin lahat ng mga ginagawa nila, ‘yun talaga iyong mga pinuntahan namin, like sa Central. Mayroon sila roong parang sama-sama every Sunday. Kung paano ‘yung routine nila, kung paano sila sa mga alaga nila.”
Pinamahalaan ni Direk Cathy Garcia-Molina, ang Hello, Love, Goodbye ay mapapanood na sa mga sinehan sa July 31.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio