SA ILALIM ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagmistulang mga duwag at walang bayag ang mga opisyal at miyembro ng Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG).
Lumalabas na inutil sila kaya nanawagan si Duterte sa United States at mga kaalyado nitong Great Britain at France na palayasin ang mga kasapi ng Armed Forces Military Militia ng China na nagpapanggap na barkong pangisda at bumabangga sa mga sasakyang pamalakaya ng Vietnam at Filipinas, pinakahuli nitong 9 Hunyo na 22 mangingisdang Filipino ang iniwanan ng mga Chinese na kakawag-kawag sa laot malapit sa Recto Reef.
Malaking paglabag sa ating Konstitusyon ang pagpayag ni Duterte na pumasok ang mga barkong milisya ng China sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Bilang abogado at dating tagausig, batid ito ni Duterte kaya nakapagtataka ang kanyang pahayag na pagpayag mangisda ng mga suwapang na Chinese sa ating mga karagatan dahil lamang sa ‘pagkakaibigan.’
Tiyak na sasamantalahin ng mga barkong milisya ng China ang ating soberaniya sa pahayag ni Duterte at hindi ba kikibo ang ating PN at PCG kung susudsurin ng mga Chinese halimbawa ang mga protektadong karagatan ng Filipinas tulad Tubbataha Reef sa Palawan na pasok sa ating EEZ?
Malinaw na labag sa ating Saligang Batas ang pahayag ni Duterte kaya dapat niya itong linawin ngayon pa lamang dahil tiyak na katakot-takot na demanda ang aabutin niya sa mga makabayan at militanteng grupo.
Hindi mapagkakatiwalaan ang China kaya payag ba talaga si Duterte na mangisda ang mga kaibigan niyang Chinese sa ating EEZ tulad sa mga coastal town ng Pangasinan, Bohol at Cebu?
At talaga bang naduwag na ang mga opisyal at miyembro ng PN at PCG kaya sunud-sunuran sila sa lahat ng gusto ni Duterte sukdulang ipinagkanulo ng kanilang “commander-in-chief” ang soberaniya ng Filipinas?
Nagtatanong lang po…
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan