NAMIMILIGRONG hindi makaupo bilang kinatawan ng party-list ng mga marino (seaman) si Jose Antonio G. Lopez, makaraang kuwestiyonin ang kanyang pagiging American citizen sa Commission on Elections (Comelec).
Sa kanyang 21-pahinang petisyon, sinabi ni Ruther Navera Flores, residente ng Pasig City, hindi karapat-dapat na maging pangalawang kinatawan si Lopez ng Marino, Samahan ng mga Seaman Inc., Party-list ayon sa sinasaad sa Section 68 ng Omnibus Election Code at Section 9 ng Republic Act No. 7941 o ang Party-list System Act.
Sinasabi sa batas na ang sinomang immigrant o permanenteng residente sa ibang bansa ay hindi kalipikadong tumakbo o maging kandidato sa anomang posisyon sa gobyerno lalo kung hindi niya iniurong o tinalikuran ang kanyang pagiging foreign citizen.
Ayon kay Flores, walang ginawang legal na hakbang si Lopez upang i-waive ang kanyang American citizenship bago kumandidato nitong nakaraang May 13 polls kung kaya’t siya ay hindi karapat-dapat maging miyembro ng Mababang Kapulungan.
“Respondent Lopez is a permanent resident or immigrant of a foreign country, and, hence, clearly ineligible to run and hold public office as party-list representative for failure to satisfy the one-year residence requirement,” ayon sa petisyon.
Malinaw na pinalsipika ni Lopez ang mga dokumento upang lumabas na siya ay maging kalipikadong kandidato o second nominee ng Marino party-list, ani Flores.
Mariing hiniling sa Comelec ang agarang pagresolba sa kanyang petisyon bago pormal na magbukas ang 18th Congress sa susunod na buwan at maiwasan ang ilegal na paggamit ng pondo ng bayan.
“If and when he (Lopez) will get his proclamation, then he will be entitled to use the funds of the Filipino people, that is why we are asking the Comelec to act on this petition immediately and observe what is just and right,” giit ni Flores.