TULUYAN nang nagsalita ang mga miyembro ng PDP-Laban, Party-list Coalition at Nationalist People’s Coalition (NPC) at pinalagan ang sinasabing suporta na nakuha ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagka-Speaker.
Itinanggi ng mga miyembro ng nasabing mga grupo na hindi sila kasali sa sumuporta kay Velasco dahil iba rin ang kanilang sinusuportahang susunod na Speaker.
Bunsod nito, naglabas ng paglilinaw ang tatlong partido at itinatanggi ang pagsuporta kay Velasco matapos lumabas ang kopya ng multi-party manifesto nitong Miyerkoles na umano’y sumusuporta kay Velasco.
Ang dokumento ay pirmado ng ilang mga lider at representante ng nasabing mga grupo.
Ilang minuto matapos ilabas ang manifesto, ang 54-member na Party-list Coalition ay mariing itinanggi ang pagsuporta kay Velasco bilang speaker.
Ani Garbin, kailangan nilang mag-meeting at makuha ang consensus ng bawat miyembro ng Party-list Coalition bago ang final decision.
Nang tanungin kung bakit kasali si 1-PACMAN party-list Rep. Michael Romero sa mga pumirma sa multi-party manifesto, saad ni Garbin, gawa ito malamang ni Romero bilang personal na desisyon at hindi ng buong coalition.
Hindi rin umano katanggap-tanggap ang pagpirma ni Romero sa manifesto, at binansagan pang ‘unfair’ ni Ang Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Samantala, inamin ni Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition na nasorpresa siya kasama ang NPC sa lumabas na manifesto, paliwanag niya, wala pang desisyon ang partido sa opisyal na pagpili ng napipisil na bagong Speaker.
“We are still doing consultations and our decision has not been made public because it is not yet final,” ani Sotto.
Para kay Albay Rep. Joey Salceda, inamin niya na walang naganap na konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago ang nasabing endorsement kay Velasco bilang House Speaker.
Aniay, ang party leaders ay hindi dapat naglalabas ng mga desisyon nang walang pormal na konsultasyon mula sa miyembro ng partido sa napipisil na House Speaker.
Wika ni Salceda, importante ang komunikasyon at konsultasyon dahil lahat ng kaalyadong partido ay tumulong sa panalo ng mga kandidato ng administrasyon.
Umalma rin ang Albay congressman sa banta ni PDP Laban President Aquilino “Koko” Pimentel III na paparusahan ang mga miyembro ng partido na hindi boboto kay Velasco.
Aniya hindi nabu-bully o natatakot sa banta ang mga miyembro kung iba man ang kanilang piliin.
Nauna rito, mga kongresista mula sa partidong PDP-Laban, sa pangunguna ni Rep. Ronnie Zamora, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, Rep. Abraham Tolentino, at Rep. Dan Fernandez, ay nagsama-sama upang ihayag ang kanilang buong suporta sa pagka-Speaker ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano.
Sa kasagsagan ng init sa karera sa bagong House Speaker, nagkaisa ang mga mambabatas sa PDP-Laban upang isulong ang pagka-Speaker ni Cayetano kahit siya ay mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Rep. Ronnie Zamora (Lone District of San Juan), nagdesisyon siyang suportahan si Cayetano dahil alam niyang siya ang pinakakalipikadong tumayo bilang Speaker kompara sa ibang mambabatas na nagnanais mamuno sa House.
Sinabi ni Rep. Gonzales (Lone District of Mandaluyong), ang kailangan sa Kamara ay hindi malapit sa Presidente kundi mayroon din kakayahang mamuno, bukod sa magandang track record sa serbisyo publiko.
Dagdag ni Rep. Tolentino (7th District, Cavite) at Rep. Dan Fernandez (1st District, Laguna), naghayag ng suporta ang karamihan ng PDP-Laban solon para kay Cayetano dahil nais nila na ang mamuno sa Kamara ay taong mapagkakatiwalaan.
‘Yun naman pala ‘e!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap