NANINIWALA si Senate President Vicente Tito Sotto III na may sasabit na tauhan ng Department of Foreign Affairs sa revalidation ng diplomatic passport ni dating secretary Albert Del Rosario.
Ipinaliwanag ni Sotto na malinaw sa Republic Act 8239 o Philippine Passport Act na tanging dating Pangulo at Pangalawang Pangulo lamang ang maaaring i-revalidate ang diplomatic passport at wala ng iba pang dating opisyal ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Sotto, nakasaad sa naturang batas na walang bisa ang diplomatic passport kapag ang isang tao na gumagamit nito ay dating kalihim at dating halal ng bayan.
Inihalimbawa ni Sotto, kahit silang mga kasalukuyang senador hindi gumagamit ng diplomatic passport hangga’t hindi kasama ang pangulo sa pagbisita sa isang bansa.
Pinayohan ni Sotto si Del Rosario na pag-isipan munang mabuti bago maghain ng protesta laban sa Hong Kong na gagamitin pa ang DFA ukol sa validity ng diplomatic passport ng dating kalihim.
Magugunitang pinabalik ng bansa si dating DFA secretary Del Rosario matapos harangin sa paliparan ng Hong Kong dahil invalid na ang diplomatic passport ng dating kalihim.
Giit ni Sotto, ginagawa rin natin ito sa ating paliparan na nagpapabalik ng mga dayuhang intsik na kahinahinala ang pasaporte at iba pang dokumento.
(CYNTHIA MARTIN)