MARAMING nanghinayang sa pagbibitiw kamakailan ni Ricky Vargas bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).
‘Irrevocable’ ang resignation na ipinasa ni Vargas sa executive board ng POC kaya’t wala nang pag-asang magpatuloy siya at maisulong ang mga repormang pinaplano niya para sa organisasyon.
Noong Abril pa ay may senyales nang hindi komportable si Vargas sa kanyang puwesto sa POC. Nasabi nyang hindi raw siya sanay sa kultura ng maruming politika sa organisasyon at ito sana ang gusto niyang baguhin.
Ang plano ni Vargas ay gawing “honest” at “less political” ang POC para makatuon sa mga prayoridad na dapat na isinasagawa nito imbes maubos ang oras sa mga away-away at politika.
Hindi sinabi ni Vargas sa kanyang resignation letter kung bakit siya nagbitiw. Ang sabi lang niya ay napagtanto niyang may mga iba pang “sports leaders” na mas maibibigay ang kanilang panahon at interes para maisagawa nang mas epektibo ang mga programa ng POC.
Pero ang totoong dahilan ay hindi na masikmura ni Vargas ang intriga, politika, at korupsiyon sa POC na sa loob ng 13 taon ay pinagharian ni Peping Cojuangco.
Mahirap tanggalin ang ganito karuming kultura kung ganito na ang naging kalakaran sa loob ng 13 taong inabuso ni Peping ang posisyon niya sa POC.
Ngayong wala na si Vargas, sino pa ang mga natitirang tapat, may integridad at prinsipyo sa POC para repormahin ang organisasyon?
Si Congressman Bambol Tolentino, ang POC chairman, ang maaring magpatuloy sa mga repormang plano ni Vargas sa POC. Tulad ni Vargas, ang hangad ni Tolentino ay magkaroon ng pagbabago sa POC para maging isang tunay at epektibong instrumento sa pagpapaunlad ng estado ng sports sa Filipinas.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Tolentino at agad na kumilos para maisalba ang POC sa mga gustong manatili ang bulok na sistema.
Nagpahayag siya ng planong magpatawag ng special election para sa bagong presidente ng POC na balak niyang gawin sa General Assembly ng POC sa Martes, June 25.
May kapangyarihan si Tolentino na gawin ito dahil sa ilalim ng Article 7, Section 6 ng POC by laws, maaring magpatawag ng eleksiyon ang chairman sa loob ng 30 araw simula nang mabakante ang posisyon ng presidente kung ang dalawang vice president ng POC ay hindi kalipikado na umupong presidente ng organisasyon.
Ayon sa POC by laws, ang presidente ng POC ay dapat na kasalukuyang presidente rin ng isang Olympic Sport-National Sports Association (NSA).
Nakasaad din sa Article 7 Section 11 na ang presidente ay dapat na hindi bababa sa apat na taong experience bilang NSA president ng isang Olympic sport sa panahon na siya ay mahalal na presidente ng POC.
Dapat din siyang aktibong miyembro ng POC General Assembly sa dalawang magkasunod na taon at dapat na nahalal mula sa kasalukuyang hanay ng mga presidente ng NSA-Olympic sport.
Si 1st vice president Jose Romasanta ay vice president ng NSA-volleyball, samantala si 2nd VP Antonio Tamayo ay presidente ng NSA-soft tennis, na hindi Olympic sport.
Kaya malinaw na hindi kalipikado ang dalawa para maupo bilang presidente ng POC.
Gagawin ni Tolentino ang kanyang katungkulan bilang chairman sa pagpapatawag ng eleksiyon para sa bagong presidente ng POC.
Kailangang magtagumpay si Tolentino sa nararapat niyang gawin at maitawid ito mula sa mga intriga, fake news, maruming pamomolitika ng ilang opisyal ng POC at Philippine Sports Commission na puro pansariling kapakanan lang ang iniisip.
Wala na nga yatang pakialam ang ilang opisyal na kung magtagumpay ba o hindi ang Filipinas sa pagho-host ng Southeast Asian Games ngayong Nobyembre.
Basta ang pinangangalagaan lang nila ay kanilang sariling interes.
Dapat makapaghalal ng isang matino, at marahil, kasing tapang ng Pangulong Digong para maituwid ang mga mali sa POC. Kailangan ni Tolentino ng isang matatag na kakampi sa loob ng organisasyon para matupad ang layunin ni Taguig-Congressman elect Alan Peter Cayetano, ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, na gawing “best hosted and most viewed” ang SEA Games ngayong taon sa Filipinas.
Higit pa riyan, kailangan ni Tolentino ng kakampi para matigil na ang pamomolitika at korupsiyon sa POC.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap