SAN JOSE, OCCIDENTAL MINDORO — Sa gitna ng pangmamaliit ng administrasyong Duterte sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa kanilang bangka, nakahanap ng kasangga ang mga mangingisdang Filipino kay Vice President Leni Robredo.
Sa kaniyang pagdalaw sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro, nitong Biyernes, 21 Hunyo, nakausap ni Robredo ang mga mangingisdang lulan ng F/B Gem-Ver, na lumubog kamakailan sa Recto Bank, isang bahagi ng West Philippine Sea.
Bagamat sa una ay halata ang pagod at tila pag-aalinlangan ng mga mangingisda, kalaunan ay gumaan rin ang kanilang loob sa Bise Presidente, na kinuwentohan nila tungkol sa kanilang pinagdaanan: mula sa paglubog ng bangka nila dahil sa pagbangga, at pang-iiwan ng crew ng Chinese vessel na nagdulot ng pinsala, hanggang sa paghingi ng tulong sa isang Vietnamese vessel na malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Sunod sa layon ng kaniyang pagbisita, ipinaabot ni Robredo sa mga mangingisda ang kaniyang pakikiisa.
Aniya, handa ang kaniyang opisina na tulungan sila at ang pamilyang may-ari ng bangka sa kanilang muling pagbangon, lalo pa’t ang bangkang nasira ang inaasahan nilang lahat para sa kanilang kabuhayan.
Sa kabila ng mabigat na pinagdaraanan, tila mas nakapalagayan ng loob ng mga mangingisda si Robredo, na nauna nang nagsabi na dapat panagutin ang crew ng Chinese vessel na bumangga sa bangka ng mga Filipino.
Marami ang nakapansin na malaki ang pagkakaiba ng pakikitungo ng Bise Presidente sa mga mangingisda kompara sa pagharap sa kanila ng mga miyembro ng administrasyong Duterte, tulad nina Agriculture Secretary Manny Piñol at Energy Secretary Alfonso Cusi.
Matatandaang sinabi ni Cusi, ‘daplis’ lang ang sinapit ng bangka ng mga Filipino, habang idiniin naman ni Piñol na aksidente lang ang nangyari at mismong si Pangulong Duterte ay itinuturing na ito ay ‘maliit’ lamang na maritime incident.
Bukod sa dialogo sa mga mangingisda, binisita rin ni Robredo ang bahay ng kapitan ng bangka na si Junel Insigne, na malugod siyang sinalubong ng asawa nitong si Lanie at ng kanilang mga anak.
Dala ng Bise Presidente ang tulong pinansiyal na P50,000 para sa bawat mangingisda, na bigay ng isa sa mga partners ng kaniyang opisina sa ilalim ng Angat Buhay program.