WALANG nangyari, bigo, at sumemplang ang nakatakdang pagpili ng grupo ng party-list solons noong Miyerkoles kung sino ang susuportahan nilang kandidato bilang speaker.
Ibig sabihin, puro ingay lang ang ginawa ng PBA Party-list congressman na si Jericho Nograles na pipili sila kina Rep. Martin Romualdez at Cong. Lord Allan Velasco.
Anyare? Bakit walang napili? Nagkaatrasan ba?
Ang tsika kasi ng isang na party-list congressman na dumalo sa pulong sa isang hotel sa Quezon City, hindi nagkaroon ng consensus ang mga kongresista dahil hindi naman sila pumayag na pumili ng kanilang bet para maging speaker.
Hindi naman daw totoo na ‘solid’ ang kanilang gusto na kina Romualdez at Velasco lang ang labanan lalo at marami ang bumabakbak kay Velasco dahil hindi naman kilala at wala pang napatunayan bilang mambabatas.
Kung ganito ang takbo ng mga pangyayari, mistulang nakoryente ang ilang party-list solons na dakdak nang dakdak na si Romualdez lang at Velasco ang kanilang pagpipilian.
Bakit hindi nakapili? Bakit walang pinili?
Ibig bang sabihin, fake news ‘yung ipinagmamalaking unity vote ng 61 party-list solons? Ibig bang sabihin, hindi kontrolado ni Romero ang kanyang mga kasama sa grupo?
O baka naman, kahit anong mangyari, mananaig pa rin ang mga personal na desisyon ng bawat party-list congressman at manaig pa rin ang kanya-kanyang interes kaya walang nangyari sa botohan?
Malayo pa ang laban. Sa 22 Hulyo pa ng umaga mangyayari ang botohan ng susunod na speaker. Huwag muna sanang padalos-dalos sa mga binibitiwang salita lalo na kung mistulang hulaan lang ang mangyayari.
Baka masabihan pa silang party-list solons na mga ‘paasa.’
Arayku!
POC chair Tolentino
nanawagan ng halalan
Isang araw matapos ang biglaang pagbaba sa puwesto ni Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas, nanawagan si POC Chairman Abraham Tolentino na magsagawa ng special election para sa mababakanteng puwesto ni Vargas.
Plano ni Tolentino na ilahad ang anunsiyo sa gaganaping general assembly sa June 25. Sa ilalim ng POC Bylaws Article 7 Section 6 – ang special election ay maaaring isagawa sa panawagan ng Chairman sa loob ng 30 araw matapos mabakante ang isang puwesto kung sakaling ang mga susunod na opisyal – 1st VP at 2nd VP – ay hindi kalipikado na maluklok kapalit sa puwesto.
Ang dalawang opisyal ay kinakailangang may kakayahang gampanan at may kalipikasyon para maging POC President. Kasama rito ang kalipikasyon na dapat sila ay may hawak na kasalukuyang puwesto bilang Presidente ng Olympic Sport-NSA.
Sa Article 7 Section 11, nasasaad na ang Presidente ng POC ay kinakailangang may apat na taong experience bilang NSA President ng isang Olympic Sport sa araw ng eleksiyon sa pagka-POC President, at kinakailangan na halal sila ng incumbent NSA Presidents na kumakatawan sa Olympic sport, karagdagan pa nito ay dapat silang aktibong miyembro ng POC General Assembly sa mahigit na dalawang magkakasunod na taon sa araw ng halalan.
Si 1st VP Jose Romasanta ay Vice President of Volleyball, samantala si 2nd Vice President Antonio Tamayo ay Presidente ng Soft Tennis, na hindi naman Olympic sport.
Samakatuwid, sa ilalim ng Article 7 Section 6, dahil hindi kalipikado ang 1st VP at 2nd VP para maupo bilang POC President, ang Chairman ng POC ay obligadong magpatawag ng halalan para mapunuan ang bakanteng puwesto sa loob ng thirty (30) days na mag-resign ang pinuno.
Klaro, ‘di ba?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap