INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si senator-elect Christopher “Bong” Go na sabihan ang mga opisyal ng PhilHealth na magsumite ng kanilang resignation letter.
Ayon kay Go, bagaman naniniwala si Pangulong Duterte na walang kinalaman sa nangyayaring iregularidad ang officer-in-charge ng PhilHealth na si Dr. Roy Ferrer, kasama rin siya sa pinagsusumite ng liham pagbibitiw, sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility.
Kahapon ay humarap kay Pangulong Duterte ang mga opisyal at board members ng PhilHealth.
Ayon kay Go, pakikinggan muna ng Pangulo ang paliwanag nila ngunit desidido ang Punong Ehekutibo na palitan silang lahat.
Sinabi ni Go, inamin ni Ferrer nang makausap niya noong Sabado ng gabi na sadyang nalusutan sila.
May mga impormasyon din aniyang nakararating sa pangulo na may namumuong friction sa hanay ng mga opisyal ng PhilHealth partikular sa pagitan ng tinatawag na Visayas at Mindanao block na sinasabing pawang mga nagsisiraan.
Ayon kay Go, kasama siya ng pangulo at mga opisyal ng PhilHealth at malalaman niya kung ano ang magiging pinal na pasya hinggil dito ng Punong Ehekutibo.
Matatandaan, napaulat ang paggamit ng pondo ng PhilHealth para sa ghost dialysis patients.
(ROSE NOVENARIO)