INAPROBAHAN ng Senado ang panukalang batas na layong gawing “flexible” ang araw at oras ng trabaho ng mga manggagawang Filipino.
Sa botong 17-0, inaprobahan ang bill na inihain ni Sen. Joel Villanueva. Isa ito sa mga panukalang batas na tinalakay ng Senado sa unang araw ng sesyon nitong Lunes matapos ang eleksiyong 13 Mayo.
Sa ilalim ng bill, puwede huwag sumunod ang empleyado sa schedule na 8-oras sa 5 araw sa isang linggo.
Maaari nang magkaroon ng “mutually agreed voluntary work arrangement” sa pagitan ng employer at empleyado.
Makapipili ang manggagawa ng trabaho na mahabang oras pero mas kaunting araw basta ma-meet ang kailangang oras ng trabaho sa isang linggo na kalimitan ay 40 oras.
Pinagtibay ng Senado ang 48-hour labor limit kada linggo habang dapat mapanatili ang umiiral na benepisyo kahit mabago ang work schedule.
“Compressed workweek arrangement will not only reduce cost of work transit, but will also enable employees to allocate more time for other personal and social obligations, thus further promoting work-life balance,” nakasaad sa bill ni Villanueva.
Aprobado na rin ng Kamara ang naturang bill at pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na batas.
(CYNTHIA MARTIN)