NAKATAKDANG kasuhan ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang kumakandidatong bise alkalde ng Guiguinto, Bulacan dahil sa pag-abuso sa mga bata nang magpalabas ng kalaswaan sa plaza ng nasabing bayan noong nakaaang 17 Abril.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, kakasuhan nila ng child abuse sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang kumankandidatong vice mayor ng Guiguinto, Bulacan na si si Eliseo “JJ” Santos sanhi ng malaswang pagtitipon sa kampanya nito na nasaksihan maging ng mga bata.
Bukod kay Santos, irereklamo rin ng 4K ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na pumayag magsayaw nang halos hubo’t hubad ang grupong Feisty Girls sa harap ng publiko, partikular ang mga bata.
“Malinaw na may kasong child abuse dito si Santos lalo’t kasabwat ang secretary o alter ego niyang si Rhod Jhon Palileo “Chang” Del Rosario, SK chairman ng Barangay Cut Cut at SK Federation secretary, ang kanyang pamangkin na SK Chairman ng Barangay Tabang at SK Federation Vice President na si Mara Alyanna Villafuerte Dela Cruz,” ani Pineda. “Sabit din sina Landrei Joseph ‘Onyok’ Santos Cerdon, SK Chairman ng Brgy. Tiaong at si Dela Cruz, na SK Chairman ng Brgy. Pritil dahil pumayag sila na magpalabas ng kalaswaan sa plaza ng Guiguinto.
Irereklamo rin sa Commission on Elections (Comelec) ng 4K si Santos dahil nagyabang na gumastos ng P1.5 milyon sa pagtitipong binansagang ”JJ Cup” gayong kung tutuusin ang puwedeng gastusin ng isang lokal na kandidato ay P3 lamang kada botante at ang bayan ng Guiguinto ay may 65,000 voters lang kaya ang dapat gastusin ay P195,000 lang.
Nabatid na noong nakaraang 17 Abril, nagsagawa ng pagtitipon si Santos sa mismong Political Athletic and Botanical Center o OVAL ng Munisipyo ng Guiguinto, Bulacan, isang pampublikong lugar na lahat ay puwedeng pumunta kahit ang mga bata.
Noong una, pinangalanang JJS CUP o paliga ni Santos sa mga kabataan.
Para maitago ang ginastos na lalagpas sa itinakda ng Comelec, pinalitan ang pangalan ng paliga sa SK CUP o Sangguniang Kabataan CUP pero walang kinalaman ang SK sa paliga na ipinagmalaking ginastusan ng P1.5 milyon.
Naunang nagsampa ng kaso ang nakarehistro rin sa Securities and Exchange Commission (SEC) na Bigaa Writers and Artist Society (Bigwas) sa Department of Interior and Local Government at Commissions and Elections.
“Sa pagtitipon na ito napakaraming kabataan na audience at mga paslit. Nag-perform ang Feisty Girls, isang grupo ng kababaihan na ang labas pang-adult, sumayaw nang naka-panty at bra lang… malaswang sayaw… kumuha ng batang lalaki sa audience at idinikdik ang kaselanan at puwet nila sa mukha ng nakuhang bata sa audience,” ayon sa pahayag ng Bigwas.
“Kumuha rin ng lalaki sa audience at nilagyan ng bola sa ibabaw ang ari at sabay nilundagan ang baloon na nakalagay sa ari ng lalaki gamit ang kaselanan at puwet ng babaeng nagpe-perform at lahat ito ay nakikita ng mga bata na nag-fiesta sa panonood na sumisira sa kaisipan hindi lang sa mga kabataan kundi lalo sa mga paslit.”
“Kaya magsasampa kami ng kaso sa DILG dahil hindi kami papayag na maulit ito sa Bulacan na lalawigan ng mga dakila at bayani,” dagdag ng Bigwas na nagpakita rin ng mga retrato at video tape ng pagtitipon.
“Hindi kami mananahimik lamang sa kabastusan ni JJ Santos, lalo sa aming mga kabataan.”
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan