INIHAYAG kahapon ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Afredo S. Lim ang plano niyag maglagay ng “Super Health Centers” sa iba’t ibang bahagi ng lungsod na ang mga serbisyo gaya ng mga libreng ibinibigay dati sa mga ospital na kanyang ipinatayo ay maaari na rin makuha ng mga residente ng Maynila.
Binanggit ito ni Lim nang kanyang makadaupang-palad ang mga manininda at mamimili sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila, nang siya ay nangampanya kahapon.
Doon ay literal na ‘namula’ ang paligid nang manghingi ang mga vendor at mamimili ng give-away t-shirts ni Lim at agad nila itong isinuot bago sumunod kay Lim sa ginawa nitong pag-iikot sa nasabing palengke upang bumati at makipagkamay.
Ayon kay Lim, ang nasabing “Super Health Centers” na balak niyang ipatayo ay bilang dagdag sa 59 barangay health centers na dati na niyang ipinatayo sa loob ng apat na terminong panunungkuan bilang alkalde.
Ang naturang new centers ay magsisilbi umanong ‘mini-hospitals’ na magkakaroon ng mga pasilidad gaya ng CT scan, x-ray machine at iba pang kagamitan upang pupuwede nang magsagawa ng minor operations.
Habang limang ospital ang ipinatayo ni Lim bilang dagdag sa noon ay nag-iisang lilbreng ospital, ang Ospital ng Maynila sa ikalimang distrito ng lungsod, nakita umano niya na kailangan pang lalong ilapit sa mga tao ang libreng alagang medikal kung kaya’t bukod sa 59 barangay health centers at 12 lying-in centers o libreng paanakan na kanyang ipinatayo ay magkakaroon pa ng ‘Super Health Centers’ na mas maraming serbisyo.
Sa pamamagitan n ito, ang mga nangangailangan umano ng libreng medical attention ay ‘di na kakailanganin pang gumastos ng pasahe dahil ang ilan sa mga serbisyong kailangan nila na maaari lang makuha sa city hospitals ay magiging available na sa anumang “Super Health Center” na malapit sa kanilang tirahan.
Bilang karagdagan ay itutuloy umano ni Lim ang naumpisahang medical caravan o mobile clinic na dati ay umiikot sa “depressed areas” o mahihirap na komunidad para mag-alok ng iba’t ibang uri ng libreng serbisyo medikal.
Matatandan sa kanyang unang pag-upo bilang mayor noong 1992 ay inilunsad ni Lim ang ‘womb to tomb program’ na nagbibigay ng mga libreng serbisyong pangkalusugan mula sa oras na ang isang residente ay ipinagbubuntis pa lamang hanggang sa oras na siya ay pumanaw.
Kaugnay nito ay itinayo rin ni Lim ang tig-isang libreng ospital sa limang distrito na wala nito – Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa first district; Ospital ng Tondo, second district; Mother and Child General Hospital, third district; Ospital ng Sampaloc, fourth district at Sta. Ana Hospital, sixth district.