SA panayam namin kay Vice Governor Daniel Fernando, sinabi niya na sa kanya unang inialok ang role ni Tirso Cruz III bilang si General Santiago sa seryeng The General’s Daughter, pero tinanggihan niya ito.
Sabi ni Daniel. “Dapat nga ‘yung sa ‘The General’s Daughter,’ akin ‘yung (role) kay Tirso, eh. Kaming dalawa dapat ni Albert (Martinez) ang maglalaban doon.
“Pagkatapos na pagkatapos ng ‘kaw Lang Ang Iibigin’ (seryeng pinagbidahan nina Kim Chiu at Gerald Anderson, na gumanqp si Daniel bilang si Rigor) in-offer agad nila sa akin ‘yun. Hindi ko tinanggap. May election ban. Hindi ko kakayanin,” paliwanag ni Daniel.
Aminado naman ang vice governor na nanghihinayang din siya na hindi napunta sa kanya ang role ni Tirso.
“Nanghihinayang din ako, kasi ang sarap paglaruan niyong role,eh. Kaso wala tayong magagawa.”
Hangga’t maaari, gusto ni Daniel na gumawa ng serye every year.
“’Yun nga ang hihilingin ko sa mga taga-Bulacan. If ever manalo ako isang teleserye sa loob ng isang taon. Pero hindi role na maliliit. Hindi na ako tumatanggap ng role na maliliit. Gusto ko ‘yung role na talagang mahaba at markado. Katulad niyong role ko sa ‘Ikaw Lang Ang Iibigin.’ Gusto ko ‘yung mga ganoon.”
Samantala, natutuwa si Daniel na mas mataas ang rating na nakukuha niya, kompara sa katunggali niya, sa Vice Gubernatorial race.
“Okey naman ‘yung mga lehitimong survey,70-30. Lamang ako.
“Hopefully,magtuloy-tuloy. Hindi naman kami nagpapabaya. Hindi naman ako nagpapabaya. Wala na nga akong tulog. Simula pa noong December, dalawang oras lang ang tulog ko. So mas grabe pa itong campaign kaysa taping. At least, ‘pag wala kang taping, nakakatulog ka ng kompletong oras. At kinabukasan, on that day, makakakain ka pa, makakapag-gym ka. Hindi katulad ng campaign, iba talaga. Kailangan araw-araw ka talagang mangampanya na umaabot talaga hanggang madaling araw,” sambit pa ni Fernando.
MA at PA
ni Rommel Placente