HINDI magkaaway ang mga pamilya Duterte at Aquino.
Ito ang iginiit ng aktres at TV host na si Kris Aquino, na nagsabi na handang makipagtulungan ang pinsan na si reelectionist Sen. Bam Aquino sa pamahalaan basta’t para sa kapakanan at kabutihan ng pamilyang Filipino.
Sa panayam ng media, sinabi ni Kris na naniniwala siyang may ilang tao na gumagawa lang ng isyu para magkaroon ng hidwaan ang dalawang pamilya.
“Wala kaming malalim na ugat, sugat, or hindi namin sila kaaway,” wika ni Kris, na sinabi pang marami sa kanyang mga follower sa social media ay mula sa Davao.
Nagtataka rin si Kris kung bakit ginagawan ng isyu ang pamilya Aquino sa mga Duterte, gayong wala naman silang naging anumang isyu.
“Iba lang ang may ayaw sa amin at iba raw ang gustong gumawa ng gulo,” dugtong ni Kris.
Sinabi ni Kris na mas magandang makipagtulungan na lang sa mga programa at proyekto para sa ikabubuti ng mga Filipino.
Ayon kay Kris, patunay nito ang ginawang pagsusulong ng kanyang pinsan na si Sen. Bam Aquino ng ilang mahahalagang batas sa ilalim ng administrasyong Duterte, tulad ng batas sa libreng kolehiyo.
“He’s a team player and he knows how kasi marami siyang nakasundo sa Senate,” sabi ni Kris.
Idinagdag ni Kris na ipinarating ng ilang kaibigan niya sa kasalukuyang administrasyon na mabilis na naipasa ang budget ng ilang ahensiya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) dahil sa tulong ni Sen. Bam.
“So I see no reason why he cannot work together, especially when it’s about education, about social welfare and development,” paliwanag ni Kris.
Paninindigan ni Kris, dapat isantabi ang kulay ng politika at sama-samang isulong ang mga panukala at programa na makatutulong sa kababaihan, kabataan at edukasyon.