NANATILING matatag pa rin ang pagkakahawak ni Senadora Grace Poe bilang numero uno sa listahan ng mga kandidato para senador ng mga botanteng Filipino sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.
Mula sa katanungang sino ang ihahalal nila kung ngayon na isasagawa ang eleksiyon, lumitaw na kinamada ni Poe ang 72.8% ng voters preference upang pangunahan ang magic 12 ng senatorial winning candidates, ayon na rin sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia mula 23-27 Marso 2019.
“Sa mahigit 300 lehislasyon na ginawa natin sa Senado, pangunahin lagi ang kapakanan ng taongbayan. Sinusuklian nang tapat na paglilingkod ang inyong pagtitiwala. Wala akong partido. Sa lahat ng aksiyon sa Senado, tanging ang kapakanan ng taongbayan ang konsiderasyon ko. Kung pagkakatiwalaan ninyo, itutuloy natin ang ganitong trabaho,” pasasalamat ni Poe sa kanyang mga tagasuporta sa buong Filipinas.
Pumangalawa pa rin sa kanya ang kapwa reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar na may 63.7% habang nasa pangatlo hanggang limang puwesto sina Senador Edgardo “Sonny” Angara (58.5%), dating Special Assistant to the President Christian “Bong” Go (55.7%) at dating senadora Pia Cayetano (52.2%).
Pasok pa rin sa pang-anim na puwesto si Senadora Nancy Binay (45.5%), kasunod niya sina dating Philippine National Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa (6th, 44.8%), dating Senador Ramon “Bong” Revilla (7th, 40.9%), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (8th, 39.0%), dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino (9th, 35.7%) at si dating Senador Jinggoy Estrada (10th, 35.2%).
Samantala, dikitan pa rin ang labanan para sa huling dalawang puwesto nina Senador Bam Aquino (33.8%), dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel (33.6%) at mga dating Senador Serge Osmeña (33.0%) at Mar Roxas (31.3%).
HATAW News Team