SIYAM sa 21 barangay o mahigit 40% ng buong Malabon ang idineklarang drug-cleared ng Inter-Agency Committee on Anti-Drugs (ICAD) na pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Enero kung kaya’t nasa ikatlong puwesto na ang Malabon sa mga lungsod na may pinakamaraming drug-cleared barangays sa buong Kamaynilaan.
Mataas ito kung ikokompara sa naitalang datos ng Philippine National Police (PNP) na 26.35% pa lamang sa lahat ng mga barangay sa buong bansa ang naidedeklarang drug-cleared nitong katapusan ng Enero 2019.
Ayon sa PDEA, maraming panuntunan upang maideklarang “drug-cleared” ang isang barangay tulad ng kawalan ng supply, kalakalan, gawaan, imbakan, at paggamit ng ilegal na droga, na pawang sinusuri ng ICAD.
Ito ay bunsod din ng iba’t ibang inisyatiba ng City of Malabon Anti-Drug Abuse Council (CMADAC) sa pamumuno ni Mayor Len Len Oreta, na ginawaran din ng 2nd Place sa Functionality Audit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – National Capital Region (NCR).
Bukod pa rito, minsang kinilala ng mga awtoridad ang Malabon bilang lungsod na may pinakamaraming programa at kampanya para sugpuin ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa buong Metro Manila.