HANGGANG sa kasalukuyan ay naghahari ang kapraningan sa hanay ng celebrities lalo sa entertainment sector kung sino ang nasa ‘bluebook’ na nakuha ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga nadakip nilang big time party drugs suppliers na ‘yung isa nga ay napaslang.
Sabi kasi ng PDEA, ‘yung isang supplier na nanlaban at napaslang sa Sta. Cruz, Maynila ay siyang No. 1 supplier ng party drugs sa ‘entertainment’ industry.
Sa kanya umano nakuha ang ‘bluebook’ ng mga celebrities na suking-suki niya sa party drugs.
Ang ipinagtataka lang natin, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin inilalabas ng PDEA ang listahan ng celebrities na sangkot sa ilegal na droga?!
Maniniwala tayo sa rason na, ang isang suspek o akusado ay nanatiling inosente hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang akusasyon laban sa kanila…
Sana nga ay ganyan ang rason kung bakit hanggang ngayon ay hindi inilalabas ng PDEA ang listahan, e paano kung hindi maganda ang layunin kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas nag pangalan ng mga celebrity na ‘yan?!
In the first place kasi, dapat hindi nila ini-announce sa publiko ang natuklasan nilang ‘bluebook’ ng celebrities na sangkot sa droga pero hindi naman pala nila kayang ilabas?!
Sana naman ay hindi nila gamitin ang listahang ito sa masamang diskarte. Naniniwala tayong kontrolado ni Director Aaron Aquino ang kanyang mga tauhan kaya walang magtatangka na sirain ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Naniniwala rin tayo sa sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang ituturing na VIP sa mga celebrity na sangkot sa ilegal na droga.
Hindi naman siguro magkakaroon ng listahan ang PDEA kung wala silang basehan.
Ang tanong lang natin, kailan wawakasan ng PDEA ang hula-hulaan kung sino ang nasa narco-list sa hanay ng entertainment industry?
Sana ay magkaroon na ng tapang ang PDEA para mailabas na ang listahan na ‘yan…
Hindi ba, Director Aaron?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap