I would never disrespect any man, woman, chick or child out there. We’re all the same. What goes around comes around, and karma kicks us all in the butt in the end of the day.
— American record producer Angie Stone
PASAKALYE:
Natagpuan ang bangkay ng isang 16-anyos dalagita sa Sitio Mahayahay sa Barangay Bankal sa Lapu-Lapu City noong 11 Marso. Kinilala ang biktima na si Christine Silawan ng Sitio Soong 1 sa Barangay Mactan. Wala na siyang suot na damit na pang-ibaba nang madiskubre at sadyang binalatan ang kanyang mukha ng pumaslang sa kanya.
Ayon sa ina ng dalagita, papunta sa simbahan ang kanyang anak nang huli niyang makita 4:00 pm noong 10 Marso.
REAKSIYON:
Sadyang mapanganib ang panahon ngayon dahil napakarami nang naglipanang masasamang loob na kahit anomang oras ay maaaring sumalakay sa atin para gumawa ng hindi kanais-nais. Tulad nitong kaawa-awang biktima sa Lapu-Lapu City na sa halip na makapagsimba bilang pagsunod sa kanyang obligasyon bilang isang Kristiyano ay biglang kinitilan ng buhay dahil marahil sa maitim na pagnanasa ng pumatay sa kanya.
***
SINIBAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang consular officer makaraang disrespetohin at hiyain ang isang mamamahayag na may polio habang nag-a-apply para sa pasaporte.
Agad na nagpaumanhin si foreign affairs secretary Teddy Locsin Jr., sa kanyang Twitter post sanhi ng hindi inaasahang insidente.
Kinompirma ni DFA assistant secretary Elmer Cato ang agarang pagtatanggal sa bastos na consular officer.
Ayon sa biktimang mamamahayag na si Macon Ramos-Araneta ng Manila Standard, kinuwestiyon siya ng opisyal ukol sa kanyang polio matapos na makapagsumite ng photocopy lamang ng kanyang PWD (person with disability) card.
Idinagdag na inutusan pa ng naturang opisyal sa isang security guard sa DFA na tiyaking mayroon ngang polio si Araneta.
Gayonman, inamin ng kaibigan nating mamamayahag: “I’m wrong for presenting only a xerox copy of my PWD ID, but I wasn’t lying when I told that I have polio.”
REAKSIYON:
Ang pagiging isang kawani ng pamahalaan ay isang bagay na masasabing bokasyon dahil ang paglilingkod sa publiko ay maituturing na dakilang gawain na hindi matatawaran ng salapi, kapangyarihan o impluwensya.
Bakit nga ba mayroon tayong mga opisyal sa gobyerno na nagpapakita ng kawalan ng respeto sa mga taong dapat ay pinaglilinhkuran nila nang tapat”
Nagtatanong lang po…
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera