PUTOK na naman sa mga balita ang pangalan ni Janet Lim-Napoles, na binansagang “Pork Barrel Queen” matapos kurakutin ang may P10 bilyong halaga ng pondo ng taongbayan, kasama ang mga kasabwat na senador at kongresista.
Sabi nila, “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw” pero kung totoo ang mga paratang laban kay Napoles, ang sinungaling ay siya ring magnanakaw.
Gumamit umano si Napoles at ang mga buwayang senador at kongresista ng mga pekeng foundation, para paglagakan ng bilyon-bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel, na tinanggap ng mga pekeng benepisaryo.
Balikan natin ‘yung listahan ng mga kasangkot diyan at baka nagkakalimutan na. Hahayaan ba ng taongbayang lumaya muli si Napoles?
Heto ang ilang mga bagay na dapat pag-isipan: Sabit pati mga senador at kongresista. Mismong pirma ng mga buwaya ang nasa dokumentong nagbibigay-pahintulot na ibigay ang limpak-limpak na pera ng taongbayan mga pekeng foundation, na sila rin naman ang kukubra.
Isa pa sa mga estilong ginamit ang paglilista ng mga benepisaryong pekeng foundation na pinondohan sa pamamagitan ng pork barrel. Kahit na mayroong mga pangalang tumanggap umano ng tulong mula sa pork barrel, maaaring nagpagamit at namorsiyento lang kapalit ang kanilang mga pangalan at pirma.
Mas malala kung tahasang ginamit ng mga may pakana ang kanilang mga pangalan at pirma nang walang pahintulot. Walang duda na tumiba sina Napoles at ang mga senador at kongresistang kakontsaba niya.
Pero sa kabila nito, ang kakapal ng mga pagmumukha nilang ipalista pa ang pangalan nila sa balota ngayong halalan.
Sabi nila: Kung walang apoy, walang usok. Kung mismong si Napoles na ang nagbunyag sa mga pangalan ng mga nakasabwat niya at tumanggap ng ganansiya, ipagkakatiwala mo pa ba ang boto mo sa kanila?
Mag-isip-isip tayo, mga kababayan. Dahil habang pinapaikot nila ang ating mga ulo, pinapaikot din nila ang kaban ng bayan para bulsa pa rin nila ang puntahan.
Huwag magpaloko!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap