TAMA naman ang mungkahi ng ating kaibigan na si dating Malabon representative Jaye Lacson-Noel na panahon na upang isulong ang pagdagdag sa buwanang social pension ng mga senior citizen mula P500 papuntang P1,200.
Noong 2010 pa mula nang naipasa ang batas at hindi na tumaas kailanman ang natatanggap ng mga nakatatanda gayong patuloy na tumataas ang mga pangunahing bilihin, lalo ang halaga ng kanilang mga gamot.
Ang totoo at nakalulungkot, malaking bahagi ng buwanang pensiyon ng nakatatanda ay ipinambibili lamang ng gamot.
Ayon sa Expanded Senior Citizens’ Act of 2010, may matatanggap na P500 monthly social pension ang mga indigent senior citizen ngunit kahit itinatakda din ng batas ang pagrerepaso rito kada dalawang taon ay hindi nabibigyan pansin ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin na direktang tinatamaan ang mga senior.
Idagdag pa natin diyan ‘yung pagbigat sa buhay ng ating mga senior citizen nang magsimula ang implementasyon ng (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) TRAIN Law. Kulang na kulang na talaga ‘yung P500.
Nagmamalasakit din ang dating three-term na kongresista dahil minsan ay pinanghihimasukan ng pamomolitika ang social pension payout ng mga senior citizens.
Sa Malabon nga mismo, may mga nagreklamo na imbes maging maginhawa ang kanilang buhay ay pinahihirapan sila na makuha ang kanilang benepisyo. Mula sa maayos na payout ng city hall ay pinasok ito ng politika. Malinaw pa naman sa Implementing Rules at Regulation (IRR) ng batas na nasa Local Chief Executive o mayor ang implementasyon ng payout pero hindi ‘yata ganito ang kanilang sitwasyon.
Sana nga, maisulong ang suhestiyon ni Cong Jaye dahil siguradong mas maraming senior citizens hindi lang sa Malabon ang makikinabang kapag naisabatas ang dagdag sa buwanang social pension.
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan