NAGSIMULA na kahapon ang kampanya para sa mga senador.
Ang Hugpong Ng Pagbabago (HNP) ay naglunsad ng kanilang kick-off rally sa Pampanga habang ang Otso Diretso ay sa Caloocan rumampa.
Umpisa na. Kanya-kanyang boladas at pangako. Gaya nang iaahon sa hirap, bibigyan ng disenteng tahanan, libreng pag-aaral, trabaho etc.
Pero kapag nakapuwesto na mahirap na silang hanapin.
Sa ngayon kanya-kanyang gimik mula sa TV ads, kanya-kanyang kuha ng IT experts na kayang-kayang maglunsad ng syndicated blogs, at bloggers na daan-daan ang social media accounts para gamitin nila sa pagpapabango ng kanilang kandidato at pagba-bash sa kalaban.
Mga PR firm na lahat ay gagawin para bumango ang kanilang kliyente.
Lahat ‘yan ay gagawin ngayon ng mga kandidato.
Marami sa mga kandidatong senador ay mga reelectionist — at halos 80 porsiyento sa kanila ay mga ‘milyonaryo.’
At ang layunin daw ng mga bilyonaryo at milyonaryong ito ay maglingkod sa bayan.
Wattafak!
E kung gusto nilang maglingkod at tumulong at labis-labis naman ang kanilang resources bakit kailangan pang pumasok o maghangad ng posisyon kung may kakayahan naman palang tumulong sa sariling pamamaraan?!
‘Yan kayang mga nagtatakbohang senador ay kayang ibukas ang kanilang mala-palasyong tahanan sa mga nagdarahop nating mga kababayan?!
Ibubukas kaya nila ang kanilang mga kusina para sa mga nagugutom nating kababayan?!
Pero sa panahong ito, ito ang pagkakataon para mayakap ninyo sila kahit nanggigitata kayo at amoy-pawis.
Huwag din kayong magtaka kung sila pa mismo ang lumapit sa inyo para yakapin kayo. Kamayan kayo isa-isa kahit ang dumi ng mga palad at kuko ninyo.
‘Yan po ang nagagawa ng panunuyo sa mga botante.
Kaya paalala lang po natin sa mga botante, mag-isip-isip nang mabuti at huwag maging pabigla-bigla sa pagboto.
Sabi nga sa lumang kasabihan: tanggapin ang pera pero ibasura ang mga mandarambong at trapo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap