NAKIKIUSAP si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa mga dayuhang naririto sa bansa na galangin ang mga lokal na batas.
Kaugnay ito ng insidente ng pagsaboy ng taho ng isang babaeng Chinese national sa isang pulis matapos sitahin sa pagdadala ng mga liquid substances sa MRT (Metro Rail Transit).
Sinabi ni Albayalde, hindi mag-aatubili ang PNP na ipatupad ang buong puwersa ng batas laban sa mga dayuhan na lumalabag sa mga batas ng Filipinas.
Idinidagdag niya na ang mga Filipino sa abroad ay sumusunod sa batas sa mga bansang kinaroroonan nila, kaya dapat ito rin ang gawin ng mga dayuhan sa Filipinas.
Sinabi naman ni Albayalde na ang pagbabawal sa mga likido sa MRT ay walang ipinagkaiba sa pagbabawal nito sa mga airport, na bahagi ng security measures kontra terorismo kaya walang dahilan para hindi sumunod ang sinoman.
Samantala, nagpahayag ng paghanga ang PNP chief kay PO1 William Cristobal na nagpamalas ng propesyonalismo at pagtitimpi sa kabila ng pambabastos sa kanya ng Chinese national.
Sinampahan na ng kasong unjust vexation, assault at disobedience to agent of person in authority ang Chinese national na si Jiale Zhang sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office kaugnay ng insidente.