KUNG magaang na nakalusot sa Kamara ng mga Representente ang pagpapababa sa pananagutang kriminal ng mga bata sa edad na siyam, mahihirapan itong makapasa sa Senado.
Handa ang mga senador sa pangunguna nina Committee on Justice and Human Rights chairman Sen. Richard Gordon at Senate President Vicente Sotto III na amyendahan ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfre Act of 2006 upang mapababa ang minimum age of criminal responsibility (MACR) sa bansa sa 12-anyos.
Naunang tinutulan si Sen. Grace Poe ang pagpapababa sa pananagutang kriminal ng mga bata sa edad na siyam dahil lilikha ito ng “kindergarten prisons” sa buong bansa.
Idiniin ni Poe na noong 2016, isinampa niya ang Senate Resolution 157 bilang pagtutol sa pagpapababa ng pananagutan sa batas ng mga bata.
“Hindi nagbabago ang posisyon ko,” ani Poe. “Ang pagpapababa sa MACR ay kontra-mahirap dahil karamihan sa mga batang nagkakaproblema sa batas ay nagmula sa pamilya ng mga dukha at hindi makakukuha ng serbisyong legal.”
Lumalabas na tanging si Poe sa mga senador ang tutol na ibaba sa 12-anyos ang MACR at naninindigang wasto ang 15-anyos.
Idinagdag niya na hindi tugon ang pagpapababa sa edad sa siyam para malutas ang juvenile offenses kundi makadaragdag pa sa malubhang problema.
“Kung ginagamit ng mga sindikato ang mga bata sa kung ano-anong krimen, bakit hindi nila habulin ang mga sindikato?” tanong ni Poe.
“Lilikha lamang tayo ng ‘kindergarten prisons’
kung ibababa ang MACR imbes mai-rehabilitate ang mga bata ay ga-garaduate sila sa ilalim ng mga eksperto sa sarisaring krimen.”
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan