NANG piliin ng mga ‘mambabatas’ sa ating kasalukuyang lipunan na ikahon sa pamamagitan ng batas ang pagdisiplina sa mga bata at mga kabataan, nangahulugan ito na kinalimutan nilang ang sektor na tinagurian ni Gat Jose Rizal na pag-asa ng bayan ay nasa ilalim ng responsibilidad ng mga magulang.
Nakalimutan ng mga ‘paham’ na mambabatas na ang batayang yunit ng lipunan ay pamilya.
Kung hindi ito nalimutan ng ating mga mambabatas, at laging nakakintal sa isipan nila na ang pamilya ay batayang yunit ng lipunan, hindi nila malilimot na kailangang igalang ang likas na awtonomiya at dinamismo ng mga indibidwal na miyembro nito.
Isa sa mga kinikilala at iginagalang na likas na awtonomiya at dinamismo sa loob ng pamilya ang pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak — mula sa pagsilang hanggang makatapos sa kolehiyo.
At dahil ang pamilya ay batayang yunit ng lipunan, nararapat na ito ay ayudahan ng mga institusyon/ahensiya o ng umiiral na gobyerno o sistema ng gobyerno kung paano palalakihin ang kanilang mga anak bilang mabubuti at produktibong mamamayan ng komunidad sa partikular, at ng bansa sa kabuuan.
Ibig sabihin, tungkulin ng isang gobyerno o pamahalaan (lokal, rehiyonal, nasyonal o federal) na magtatag ng isang komunidad na kaaya-aya at nakagiya sa layuning makapag-udyok o makapagbigay ng inspirasyon sa tunguhing lumikha o makapagpalaki ng mga bata o kabataan bilang mabubuti at produktibong mamamayan.
Pero sa realidad ng lipunan na kasalukuyang umiiral, ang mga batayang pangangailangan ng isang mamamayan para maging mabuti at produktibong mamamayan ay katumbas nang malaking halaga ng salapi.
Sa kalagayan ng maraming Filipino na hikahos at hindi nga mairaos ang tatlong beses na pagkain sa maghapon, nagiging pabigat sa mahihirap na pamilya ang pagpapaaral, at pagmamantina ng maayos na kalusugan. Ang pangangailangang ito ay tila nagiging ‘luho’ sa mas maraming mahihirap na mamamayan.
At kung hindi kayang pag-aralin ang kanilang mga anak kahit sa mga paaralang pampubliko, bumabagsak sila sa maagang pagtatrabaho, paglalamyerda sa lansangan, hanggang matisod ng mga notoryus na pusakal para gawin silang utusan.
At dahil nagiging salot na sila sa lipunan sa napakaagang edad, saka nakapag-iisip ang mga ‘paham’ na mambabatas na takutin sila sa pamamagitan ng ‘rehas na bakal’ na nakabaluti sa legal na pamamaraan sa pamamagitan ng Republic Act 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act of 2006).
Maraming pumuna sa batas na ito na ang pangunahing awtor ay si Senador Fracis “Kiko” Pangilinan. Nagkaroon daw kasi ng ‘lisensiya’ ang mga delikuwenteng kabataan para lalong magpakalulong sa mga pusakal na gawain.
Imbes gumawa ng batas kung paano titiyakin na makapagtatapos sa pag-aaral ang mga bata at kabataan hanggang kolehiyo, at maging malusog upang maging produktibong mamamayan paglaon, batas ng panunupil ang itinatapat ng mga mambabatas.
Imbes palawakin ang programa ng pamahalaan na magtitiyak na lahat ng kabataan ay makapag-aaral habang ang mga nagkakamali ng landas ay maipapasok sa rehabilitasyon o therapeutic center, minabuti ng mga ‘paham’ na mambabatas na ipasok sila sa kulungan.
At para huwag daw magamit ng mga sindikato ng mga pusakal, gumawa na naman ng batas na nagbibigay ng lisensiya sa mga awtoridad na isadlak sa kulungan ang mga batang edad 9-anyos.
Genius sa kapulpulan ang mga hangal na ‘paham.’
Dahil hindi maamin na silang mga eksperto sa katiwalian ang isa sa mga dahilan ng pagkabulok ng lipunan — na dahil sa kasuwapangan nila sa pera ng bayan at kapangyarihan ay maraming Filipino ang nasadlak sa kahirapan, minabuti nilang itago sa rehas na bakal ang mga ‘inanak’ o resulta ng kanilang mga kagahamanan.
Siguro, kahit paano, nasundot din ang konsensiya ng mga mambabatas, kaya gusto nilang pagtakpan sa pamamagitan ng isa na namang palpak na batas.
‘Yun bang tipong ‘turo-turo’ ang ginawang solusyon. Imbes ugatin na sila ay kabilang sa mga salot sa lipunan kaya maraming kabataan ang naging delingkuwente, ang itinurong salot sa lipunan ay mga kabataang pinabayaan at pinagdamutan ng oportunidad kaya napunta sa balikong landas.
Kumbaga sa pag-iiti (diarrhea), imbes bawasan ang sobra-sobrang paglamon, nagpareseta na lang ng loperamide para matigil ang pag-iiti.
Pero ang dahilan ng pag-iiti na sobrang paglamon, na kahit hindi na para sa kanila ay nginangasab pa rin, takot na takot salingin.
Mga suki, mainit na pinag-uusapan ang isyung ito ngayon, lalo’t lumalarga na ito sa ‘kamay’ ng mga mambabatas para maaprobahan — dapat bang batas na nagpaparusa sa mga batang edad 9-anyos na nagkakamali ang ipasa ng kongreso o batas na magtitiyak ng pagkakamit ng edukasyon at malusog na pangangatawan ng mga kabataan o bitay sa mga magnanakaw na mambabatas at politiko?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap