BILANG sagot sa mungkahi ni head coach Yeng Guiao noong nakaraang window, 15-man pool na lamang ang ipaparada ng Gilas Pilipinas simula ngayon para sa papalapit na ikaanim at huling window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan.
Ito ang inianunsiyo ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio at mismo ni Gilas mentor Guiao, isang buwan bago ang krusyal na sagupaan ng pambansang koponan kontra sa Qatar at Kazakhstan sa 21 at 24 Pebrero.
“‘Yung pool natin maliit na lang, 15-man pool na lang,” ani Guiao. “Para mas madali nilang makuha ‘yung sistema at mas mahaba ‘yung pagsasanay natin.”
Sa fifth window noong nakarang Disyembre, malaking 20-man pool ang inilaban ng Gilas Pilipinas at naging problema ang chemistry at kakulangan sa pagsasanay bunsod sa dami ng manlalaro nang kapusin ang Nationals sa mga dayong Kazakhstan, 88-92, at Iran, 70-78.
Dahil doon, iminungkahi ni Guiao na paliitin sa 15-man pool para magkaroon nang mas malaking pag-asa ang Gilas na makapasok pa rin sa FIBA World Cup na gaganapin sa China ngayong Agosto.
Sa ngayon kasi ay nagkukumahog sa ikaapat na puwesto ng Group F ang Gilas hawak ang 5-5- kartada at kinailangan maipanalo ang huling dalawang laban upang makapasok pa rin sa World Cup.
Inaasahang tutulong sa tangkain na iyon ng Gilas ang nagbabalik na naturalized player na si Andray Blatche na sigurado nang kasama sa naturang 15-man pool ng pambansang koponan.
Ngunit sa kanyang pagpasok, ibig sabihin din ng pagkakatanggal sa pool nina Christian Standhardinger at Stanley Pringle na sumalo sa naturalized player spot ni Blatche sa nakaraang dalawang windows.
“Kasama na si Blatche doon ngayon. Ibig sabihin, mawawalan ng slots sina Christian at Stanley. That’s the harsh reality we have to face. All I can do is manghinayang ako.”
Magsisimula ang twice-a-week training ng Gilas sa 21 Enero kung kailan din inaasahang darating si Blatche.
Nakatakdang tumigil ang PBA na kasalukuyang idinaraos ang 2019 Philippine Cup simula 14 Pebrero upang magbigay-daan sa puspusang pagsasanay ng Gilas.
Inaasahang iaanunsiyo ng SBP ang kompletong 15-man pool nito ngayong linggo.
ni John Bryan Ulanday