Ilang dekada nang praktis ng mga Filipino ang paglahok sa Pahalik at Traslacion ng Itim na Poong Nazareno.
Malaking bilang ng mga deboto ang naniniwala na ang pagpapakasakit tuwing Kapistahan ng Itim na Nazareno ay nagbibigay ng basbas para gumaang ang buhay ng bawat isa.
Maraming may karamdaman ang naniniwalang pinagaling sila ng Poong Nazareno, kaya walang humpay ang pagdagsa ng mga deboto tuwing 9 Enero mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa ibang lugar naman lalo sa mga lalawigan, gumawa na rin sila ng sariling Traslacion kaysa lumuwas pa sa Maynila.
Nakatutuwa ang ipinakikitang mataimtim na debosyon ng mga Filipino sa Itim na Poong Nazareno. Maging ang inyong lingkod ay naniniwala sa pagbabasbas na ipinagkakaloob ng Poong Nazareno.
Isa lang sana ang hiling natin sa mga deboto, maging disiplinado. Masanay sana ang mga debotong Katoliko na magligpit ng sariling kalat nang sa gayon ay hindi sila nag-iiwan nang truck-truck na basura sa painagdarausan ng Pahalik at dinaraanan ng Traslacion.
Kung magagawa ito ngayong 2019, aba mas maraming bibilib na ang mga deboto ng Itim na Poong Nazareno ay mahusay at mga disiplinado.
Sabi nga, ang pagiging Kristiyano ay makikita kung paano siya namumuhay at hindi lamang sa salita at pagsunod sa tradisyon.
Isang mataimtim na pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Poong Nazareno sa inyong lahat!
Nawa’y sabay-sabay tayong pagpalain ng Dakilang Nazareno.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap