KAHIT na paano, tiyak na maiibsan ang galit sa hanay ng mga manggagawa kung tuluyang ipagkakaloob ang P500 monthly food subsidy na kanilang hinihiling sa pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Ang kahilingan ng halos 4,000,000 milyong wage earners ay bunga nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at dahil na rin sa kakarampot na dagdag-sahod na kamakailan ay ipinagkaloob ni Digong sa mga manggagawa.
Kamakailan, ang regional wage board ay nagpatupad ng wage increase na nagkakahalaga ng P25, malalayong-malayo sa kahilingang P334 dagdag sahod ng mga manggagawa. Sa ngayon, ang minimum daily wage salary ng isang empleyado ay aabot lamang sa P537.
Pero kung kaagad na kikilos naman si Digong at ipagkakaloob nito ang kahlingan ng mga obrero na P500 monthly food subsidy siguradong makababawi si Digong at aani ng suporta sa mga manggagawa.
Kung tutuusin, walang maaasahang suporta si Digong sa mga negosyante at ginagamit din lang siya nito para sa kanilang interes kung kaya’t mas mabuting ang pangulo na mismo ang kumilos at maglaan ng budget sa P500 monthly food subsidy para sa mga manggagawa.
Kung gagawin ito ni Digong, masesentro ang sisi ng mga manggagawa sa mga kapitalista at ‘iwas-pusoy’ ang mangyayari kay Digong. Humahanap lang ng buwelo ang mga manggagawa at sa mga susunod na buwan nakasisiguro tayong ang mga kilos-protesta ay kanilang ilulunsad laban sa pamahalaan at maging sa mga kapitalista.
Kung tutusin, makatuwiran ang hinihiling na P500 food subsidy ng mga manggagawa dahil hindi talaga magkakasya ang kasalukuyang minimum wage na kanilang tinatanggap. Madaling makagagawa ng paraan si Digong sa kakailanganing pondo kung gugustuhin niya lang itong mangyari.
Kaya nga, ang bola ngayon ay nasa kamay ni Digong. Kung gusto niyang magkaroon ng kahit na konting alyansa sa mga manggagawa, kailangang ibigay niya ang makatuwirang hinihinging P500 food subsidy ng mga obrero.
Kung gusto naman ni Digong ng gera sa mga manggagawa, e, ‘di huwag niyang ipagkaloob ang hinihinging food subsidy. Si Digong lang ang makapagpapasiya kung gusto niyang maging matahimik kahit paano ang hanay ng labor sector.
Hindi naman siguro kalabisan ang hinihinging food subsidy lalo ngayong panahon ng kapaskuhan na halos lahat na yata ng presyo ng bilihin ay nagtataasan bukod pa sa naunang epekto ng Train Law.
Sayang ang pagkakataon kung hindi sasamantalahin ito ni Digong na kahit na paano ay maipakikita niya na minsan ay kinampihan din niya ang mga manggagawa.
Check Also
Gunning for amendments
FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …
Seguridad ng QCitizens sa ‘Misa De Gallo’ tiniyak ni Buslig
AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …
3 araw ng Metro road deaths
FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …
Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!
AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …
Victory Liner Inc., goes eco-friendly
AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …