KAHIT mangmang na nilalang ay mauunawaan na kapag sobra ang pera sa sirkulasyon at wala namang kaukulang produksiyon ay malamang na tumaas ang presyo ng mga bilihin at ‘yan ang problemang inflation na kinakaharap natin sa ngayon.
Tinatantiya ng mga ekonomista na lalo pang madaragdagan ang 6.4 inflation rate sa bansa sa sandaling magpakawala na ng pera ang mga politiko hanggang sumapit ang eleksiyon sa 2019.
E! ano nga ba naman ang kapalit ng bilyong piso na pakakawalan ng mga kandidato kundi boto lang at kalabit-penge ng mga lider nila. Ang masaklap, siguradong babawiin sa kaban ng bayan ng mga hinayupak na mananalo dahil sa laki ng ginastos, kaya bukol na naman ang aabutin nang lahi ni Juan. May inflation na, malamang na over inflated pa ang presyo ng mga programang ilalatag ng mga politikong imbestor na ang kabuoan ng proyekto ay siguradong barubal. Gano’n ‘yun!
Ang sabi noon ni Mayor Digong, corruptions must stop!
Heto ngayon at mismong si Mayor Digong ang umamin na talagang mahirap supilin ang talamak na korupsiyon sa gobyerno na tila ba sumusuko na sa bulok na sistema na ipinagkatiwala niya sa mga genius na mga kaklase na sa pasimula pa lamang ay namayagpag na ang ilan sa kanila, kaya sinibak.
May mga namemeligro pang matapyas sa puwesto sa susunod na mga araw, pero ang problema ay kung saan, sino at kailan darating ang totoong makatutulong sa administrasyon ni Mayor Digong. Mayroon kaya?
NIA, BOC, BID, AFP mga unang nasampolan
Marami sa binitbit ni Mayor Digong ang maagang nasabit sa korupsiyon at mas marami pa ang mga dinatnan niya sa puwesto ang sinibak din dahil sa katiwalian at pag-abuso sa pondo upang makapag-around the world. Parang nahahawig na tuloy si Mayor Digong kay Lone Ranger na tanging si Bong Go na lamang ang nagmistulang tapat na alalay na si Tonto. Aray ko!
BAKAS
ni Kokoy Alano