PURO sabi na magbibitiw sa poder pero hanggang sabi lang kasi ang totoo enjoy sa posisyon, sa kapangyarihan at sa limelight na tinatanggap mula sa media, lokal at internasyonal. Talaga naman oo…masyadong matabil kaya kaliwa’t kanan ang sabit e.
***
Binabati ng Usaping Bayan ang Manila International Airport Authority dahil inani nito ang karangalan na maging ISO certified. Mahirap kumuha ng ISO certification. Hindi basta-basta ang requirements na kailangang matugunan ng mga nag-a-apply nito.
Congratulations po.
***
Ang NAIA ang isa sa pinakamagandang beat na napuntahan ko noong ako ay nasa Philippine Daily Inquirer pa. Karamihan sa mga nakasama ko rito ay super makisama bagamat mayroon ding plastik at duhapang (hindi naman nawawala ang gano’n).
Maraming masasayang alala ang kumintal sa aking isipan noong ako ay nasa NAIA beat pa. Mahal ko ang beat na ito kahit saksakan nang layo mula sa aming bahay sa Kyusee.
***
Nakalulungkot na ang maliliit ay walang magawa laban sa mga makapangyarihan kahit sila ay nasa tamang lugar. Siyempre wala namang gustong mamatay agad… iyan ang isa sa mga masamang bunga ng administrasyong ito… nawalan ng halaga ang buhay.
Pagari may biyaya ring darating sa iyo.
***
Binabati rin natin ang mga operatiba ng QCPD dahil sa kanilang mabilis na pagkilos ay nabawasan ang masasamang elemento sa lungsod ng Kyusee.
Noong isang gabi ay nakaenkuwentro nila ang dalawang hinihinalang holdaper sa kahabaan ng Agham Road, isang notorious na lugar sa QC. Ayon sa ulat imbes sumuko ay nakipagbarilan ang dalawa na nauwi sa kanilang agad na pagkamatay.
***
Magandang balita, nasa Vladivostok sa Rusya ang isang contingent ng Philippine Marines at kasabay na nagsasanay sila kasama ang mga sundalong Ruso. Dapat lamang na mabuksan ang kanilang mga mata sa iba’t ibang hukbo ng daigdig.
Mahusay na mga sundalo ang mga Ruso, patunay dito ang mga labanan sa Stalingrad, Leningrad at Kursk noong ikalawang digmang pandaigdig. Solong ginapi ng mga Ruso ang pinakamalakas na hukbo sa mundo, ang Nazi Alemanya.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.
Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes. Mabibili rin ang Hataw sa suki ninyong News stand.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores