Thursday , December 19 2024
Sipat Mat Vicencio

“Iskul bukol si Tito Sen!”

Sulong mga Kasama

Ang magbuhos ng dugo para sa bayan

ay kagitingang hindi malilimutan

ang buhay na inialay sa lupang mahal

mayaman sa aral at kadakilaan…

— Awit ng mga rebolusyonaryo

  

ANG babaw talaga nitong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Halos bumarengkot ako nang mabasa ko ang kanyang panukala na baguhin daw nang ‘bahagya’ ang huling linya ng Pamb­ansang Awit ng Filipinas na Lupang Hinirang.

Sa halip na “ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay palitan na lamang daw ito ng linyang “ang ipag­laban ang kalayaan mo.” Katuwiran ng nagmamagaling na si Tito Sen, defeatist daw ang huling linya ng Lupang Hinirang.

Hindi lang mababaw kundi kamote talaga itong si Tito Sen. Hindi niya naintindihan ang huling linya na sinulat ni Jose Palma.  Kung magsusuri lang kasi ang senador, ipinaaabot sa huling linya ng Lupang Hinirang na isang uri ng kabayanihan ang pag-aalay ng buhay sa inang bayan.

Hindi nangangahulugang na ang linyang “ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay pagsuko o karu­wagan! Pag-aalsa ito hanggang sa kamatayan na nagbibigay ng lakas ng loob at inspirasyon sa bawat Filipino na bumalikwas at lumaban sa sino mang mang-aapi at mananakop ng ating bayan.

Tito Sen, ‘wag mo kasing basahin ang huling linya ng Pambansang Awit nang literal! Tapos na ang panahon mo sa VST & Co.  At kung iniisip mong kumakanta at sumayaw ka pa rin sa himig ng tugtuging Awitin mo at Isasayaw ko ay itigil mo na dahil pangulo ka na ngayon ng Senado.

Hindi rin katuwiran na ‘bahagya’ lang ang papalitan sa huling linya ng Lupang Hinirang dahil tiyak na mababago nito ang kabuuang kahulugan nang ginawang paglalapat ng mga titik. Sa bawat titik o linya na gagawin ng isang may akda, kasa­ma nito ay puso at damdamin, at hindi maaaring baguhin ng sino mang senador na nagma­ma­galing.

Kahit sa rebolusyonaryong awiting Sulong mga Kasama, malinaw ang mensahe na ang nagbubuwis ng buhay sa pakikibaka ay kagitingan at kadakilaan.  Mahirap bang intindihin ‘yon, Tito Sen?

Mabuti sigurong pagtuunan na lang ng pansin ni Tito Sen ang problema sa mataas na presyo ng bilihin at huwag nang kursunadahin pa ang Pambansang Awit ng Filipinas. Mano bang magpatawag ng caucus si Tito Sen at pag-usapan nila ang paggawa ng batas kung paano magagawang maibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Maraming problema ang bayan at huwag nang pakialaman pa nitong si Tito Sen ang Pambansang Awit ng Filipinas.  Ipakita sana ni Tito Sen na tunay siyang lider ng Senado at gumawa ng mga makabuluhan at matinong mga panukalang batas.

Sabagay, iskul bukol naman itong si Tito Sen, e bakit hindi pa niya sagarin at palitan ang huling linya ng Pambansang Awit ng… “ang mamatay nang may bulak sa ilong.”

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *