Monday , December 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

4-araw na pasok solusyon sa trafik?

SABI nila, sa kamatayan lang daw nagkakaroon ng pagkakapantay-pantay ang mayayaman at mahihirap. The ‘great equalizer’ ‘ika nga. Bilyonaryo ka man o isang-kahig, isang tuka, sa libingan pa rin ang bagsak mo.

Pero sa panahon ngayon, maituturing na rin ang trapik sa Metro Manila na ‘great equalizer.’ Magarang kotse man o karag-karag na jeep, tiyak na titirik sa kalye dahil sa sikip ng daloy ng sasakyan. Negosyante ka man o ordinaryong empleyado, siguradong atrasado ang dating mo sa opisina dahil sa trafik.

Bukod sa aberya, malupit din ang epekto ng trafik sa ekonomiya ng bansa. Sa pagsusuri ng Japan International Cooperation Agency at National Economic Development Authority, tinatayang P3.5 bilyon ang nalulugi sa bansa dahil sa matinding trapik araw-araw. Maaari pa umano itong umabot sa P5.5 bilyon sa taong 2035 kung hindi aaksiyonan ng gobyerno ang problemang ito.

Bilyong piso na ang inilaan ng gobyerno para sa mga proyekto na magpapagaan sa daloy ng sasakyan sa Metro Manila. Kabilang dito ang Metro Manila Subway Project na sa unang yugto ay nakatakdang magbuo ng 25.3-kilometer ‘underground rail’ mula Mindanao Avenue sa Quezon City tungo sa Ninoy Aquino International Airport. Nakatakda rin simulan at ayusin ang 12 tulay sa tabi ng Pasig at Marikina river.

Masimulan man ang mga proyektong ito, tiyak na taon ang bibilangin bago madama ang ginhawang dala nito. Kaya nga obligasyon ng gobyerno na mag-isip ng ibang programa para mapagaang ang daloy ng sasakyan sa 16 na siyudad at nag-iisang munisipyo sa Metro Manila. Ang nakangingitngit, tila patse-patse at hindi pinag-iiisipan nang husto ang mga programang ito.

Isa sa palpak na programa ang imple­men­tas­yon ng High-Occupancy Vehicle (HOV) o Single-Lane scheme sa EDSA. Totoong lumuwag ang EDSA nang simulan ang eksperimento nitong nakaraang linggo. Ang siste, nalipat lang ang problema ng trapik sa ibang bahagi ng Metro Manila.

Nang simulan ang nasabing eksperimento, agad na nagbabala si Sen. Ralph Recto. Ang sasakyan, aniya, ay parang baha. Kung barado ang lagusan, hahanap ‘yan ng ibang malulusutan.

Ganoon nga ang nangyari, inilipat lang ang buhos ng sasakyan mula EDSA tungo sa ibang kalsada na mas maliit at makipot. Lahat ng hindi dadaan sa EDSA, naghanap ng alternatibong daan at nagdulot ng matinding trapik sa ibang bahagi ng Metro Manila.

Dahil iniatras na ng MMDA ang nasabing programa, hindi naman siguro masama na pag-aralan ng Metro Manila Council ang iba pang mungkahi para pansamantalang mapagaan ang trapik sa Metro Manila.

Isa na rito ang ‘4-day work week’ na suhestiyon ni Atty. Romulo Macalintal at sinusugan ni Senate President Tito Sotto.

Batay sa nasabing mungkahi, kailangan magdeklara nang sabay-sabay na holiday o walang pasok ang tatlong siyudad sa Metro Manila isang beses kada linggo at magkaroon ng ganitong rotasyon ang lahat ng siyudad. Puwedeng walang pasok ang Manila, Taguig at Valenzuela tuwing Lunes; Quezon City, Pateros at Caloocan tuwing Martes; Makati, Marikina at Pasay City tuwing Miyerkoles; ganoondin sa ibang siyudad para sa natitirang mga araw.

Tinatayang 375,000 pribadong sasakyan na bumibiyahe sa tatlong siyudad ng Metro Manila ang mawawala sa kalye araw-araw kung maipapa­tu­pad ang sistemang ito. Sa EDSA pa lamang, maba­ba­wasan ng 50,000 sasakyan mula 260,000 hanggang 210,000 sasakyan ang bumibiyahe araw-araw.

Maliban sa bawas-trapik, mababawasan din ng 937,000 o halos isang milyon ang limang milyong tao na pumapasok sa trabaho sa Metro Manila araw-araw. Dahil walang pasok, malaki pa ang matitipid ng mga empleyado araw-araw sa pasahe, damit, pagkain at iba pang gastusin. Madaragdagan din ang araw na gugugulin ng mga empleyado kasama ang kanilang pamilya.

Para hindi maapektohan ang ekonomiya, maaaring dagdagan ang oras ng trabaho mula walo hanggang sampung oras araw-araw. Sa ganitong paraan, mabubuo pa rin ang 40-oras na trabaho ng empleyado sa buong linggo. Ganoon na rin naman ang ginagawa natin ngayon. Maagang umaalis ng bahay at gabi nang nakakarating sa bahay dahil sa trafik.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *