Saturday , November 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

50,000 Pinoy sapol ng HIV

‘SILENT KILLER’ kung tawagin, isa ang HIV o Human Immunodeficiency Virus sa mga epidemya na kinatatakutan sa panahon ngayon. Hindi naman daw nakamamatay ang HIV, maliban na lamang kung humantong ito sa AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.

Wala rin namamatay sa AIDS. Ang siste nga lamang, pinahihina ng nasabing sakit ang immune system ng isang tao kung kaya’t nawawalan ng depensa ang katawan para labanan ang impeksiyon na dala ng iba pang sakit. Kadalasan, pneumonia at tuberculosis ang ikinamamatay ng may AIDS dahil ang mga sakit na ito ang madalas makuha ng tao sa kanyang komunidad.

Kinatatakutan ang AIDS dahil hanggang ngayon, wala pang natutuklasan na mabisang gamot laban sa sakit na ito. Sa paningin ng nakararami, ‘death sentence’ ‘pag tinamaan ka ng AIDS.

Maliban sa kinatatakutan, kadalasang ikina­hihiya rin ang sakit na ito. Dahil sa kakulangan ng pag-unawa sa nasabing sakit, sadyang iniiwasan ng mga tao ang mga pasyenteng may AIDS. Akala ng iba, nakahahawa ang HIV at AIDS na parang sipon o trangkaso lang.

Dahil kinatatakutan at ikinahihiya, inaakala natin na magiging maingat ang mga Pinoy sa pakikipagtalik para maiwasan ang HIV at AIDS. Karamihan kasi ng kaso ng HIV sa Filipinas o halos 95 porsiyento, ay nakuha sa pakikipagtalik. Ang apat na porsiyento ay nakuha sa hiraman ng heringgilya na gamit sa droga at ang natitirang isang porsiyento ay nailipat mula sa nanay tungo sa bagong silang na sanggol.

Laking gulat natin nang masilip ang huling report ng Department of Health (DOH) tungkol sa HIV. Umabot na pala sa 52,280 ang kabuuang kaso ng HIV na naitala sa bansa. Sa bilang ng nasa­bing pasyente, umabot sa 2,511 ang bilang ng namatay dahil sa AIDS.

Pinakamaraming kaso (41%) ang naitala sa Metro Manila; kasunod ang Region 4A o CALABARZON (15%); Region 3 o Central Luzon at Region 7 o Central Visayas (9%) at Region 11 o Davao Region (6%).

Ang lubhang nakababahala, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng HIV mula nang maitala ang unang kaso nito sa Filipinas noong 1984. Sa katunayan, halos 3,147 porsiyento ang itinaas nito sa loob ng sampung taon (2007-2017). Mula 342 kaso noong 2007, lumobo ito sa 11,103 kaso nitong 2017.

Malaki na rin ang pagkakaiba ng pamamaraan kung paano naililipat ang HIV sa ngayon. Kung dati ay nakukuha ito sa pagtatalik ng lalaki at babae, ka­ramihan ng kaso ng HIV ngayon, o 84 porsi­yen­to, ay nakukuha sa pagtatalik ng lalaki sa kapwa niya lalaki (male-to-male).

Kaya nga malaking bilang (95 porsiyento) ng namamatay ngayon sa AIDS ay lalaki. Karamihan (41%) ay may edad mula 25-34 at 35-49. Nakababahala rin na 14 porsiyento ng namatay ay may edad 15-24.

Sa harap ng ganitong epidemya, tila hindi nagiging agresibo ang pamahalaan sa kanilang kampanya para lubusang maunawaan ng mga Pinoy ang problemang dala ng HIV at AIDS. Napansin din natin na kulang ang panahon at espasyong inilaaan ng media para talakayin ang nasabing isyu.

Hindi pa naman huli ang lahat. May panahon pa para pag-usapan ang problema ng HIV at AIDS. Kailangan lang ang bukas na pag-iisip at malawak na pang-unawa.

Ngayon, hindi bukas.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *