MAY kasabihang ‘matagal mamatay ang masamang damo’ at ginagamit din ito sa mga pelikula at teleserye katulad ng karakter ni Eddie Garcia bilang si Don Emilio Tuazon na main kontrabida sa FPJ’s Ang Probinsyano na isa sa mga araw na ito ay muli siyang lilitaw para tapusin na si Cardo (Coco Martin).
Oo nga, akalain mo, namatay na lahat ang kaanak at tauhan ni Don Emilio buhay pa rin siya?
Kaya pala mukhang ermitanyo ang hitsura ngayon ni Tito Eddie na mahaba ang balbas at pinaputi ang buhok nang makausap namin ng solo sa ML pocket presscon.
“Oo, sinadya kong magpatubo kasi totoo ‘yun, naging ermitanyo ako after my last appearance sa ‘Probinsyano.’ Eh, hindi naman ipinakita kung namatay ako,” bungad ng beteranong aktor.
Oo nga hindi naman talaga ipinakitang namatay si Don Emilio sa istorya, “nagpagulong-gulong ako sa bangin, tapos mayroong flashback ‘yon na napulot ako ng isang Igorot. Mag-a-assume ako ng ibang pangalan. Lilituhin ko ‘yung CIDG,” nangingiting kuwento ni Tito Eddie.
Eh, hanggang kailan po ba ang Probinsyano? “Aba’y hindi ko alam. Basta ako pinabalik, so, tinanggap ko, sayang, eh. Hangga’t gusto ako, eh, ‘di tanggap lang ng tanggap.
“At saka bakit mo papatayin ang isang programa o teleserye kung kumikita, mataaas ang ratings. Business ito, eh. Tapos papalitan ng another serye na hindi mo alam kung papatok, ‘di ba? So, might as well ipagpatuloy hangga’t gusto ng tao. Habaan mo na lang ang kuwento, ibahin na hindi naman mawawala sa talagang kuwento ng ‘Probinsyano.’
“Mahirap kasi mag-experiment na papalitan ng ibang show tapos hindi pala gusto, eh, sayang naman.”
Sa mahigit na 600 films na nagawa ni Tito Eddie at sangkaterbang tropeong natanggap bilang Best Director, Best Actor, at Best Supporting Actor ay mayroon pa ba siyang gustong gampanan na karakter.
“Wala naman na, kung anong ibigay sa akin tinatanggap ko. Ang hindi ko pa nagawa ay ang maging leading lady,” natawang sabi ni Tito Eddie.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan