ANG inaasahan ng mga Moro na magbibigay ng pag-unlad at kapayapaan sa Mindanao ay ipinasa na ng mga mambabatas kahapon.
Ayon kay Majority Leader Rodolfo Fariñas nagpuyat ang 28 miyembro ng bicameral conference committee noong Miyerkoles upang ipasa ang pinal na bersiyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na tatawaging Organic Law of the Bangsamoro.
Ayon kay Fariñas isusumite nila ito sa pangulo at inaasahan na pagtitibayan ng Senado at Kamara sa umaga bago magtalumpati ang pangulo sa kanyang pangatlong State of the Nation Address sa 4:00 ng hapon sa Lunes.
Pipirmahan, aniya, ito ng pangulo ilang oras bago mag SONA para maging ganap na batas.
Umaasa sina Anak Mindanao party-list Rep. Amihilda Sangcopan, at Deputy Speaker Rep. Raneo Abu ng Batangas na magbibigay ito ng solusyon sa problema ng kapayapaan sa Mindanao.
Ani Sangcopan, matagal nang inaasam-asam ito ng mga Moro sa Mindanao sa nakalipas na 50 taon.
“Ang mga Moro ay magkakaroon ng isang bagay na mas mabuti kaysa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM),” ani Sangcopan.
“Ang makasaysayang lehislasyong ito ay tiyak na magbibigay ng pag-unlad sa Mindanao habang lulutasin ang problema sa kapayapaan doon,” ani Abu.
Ang Bangsamoro Organic Law ay batas na magtatayo ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ito ay pamumunuan ng isang chief minister at isang ceremonial leader na kung tawagin ay Wali.
Ani Sangcopan, ang BARMM ay magkakaroon ng parliamento na may 80 miyembro. Ang 50 porsiyento nito ay magmumula sa party representatives, 40 porsiyento sa mga kinatawan ng distrito at 10 porsiyento mula sa mga sektor.
Binigyan din ng representasyon ang mga katutubong hindi Moro at mga dayuhan sa lugar.
Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, maaaring itago ng BARMM sa kabang yaman nito ang 75 porsiyento ng nakokolektang buwis ngunit ang 25 porsiyento ay ibibigay sa national government.
Ang Internal Revenue Allotment ng BARMM na magmumula sa National Government ay aabot sa P59- bilyones.
Magkakaroon ito ng “fiscal autonomy” ayon kay Sangcopan pero ang police at ang sundalo nito ay magmumula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Ang Shari’ah o Islamic law at iba pang mga batas ng mga tribu na ipatutupad dito ay sasangayon sa 1987 Constitution.
Kasama sa mga sasakupin ng BARMM ang mga probinsiya ng Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Maguindanao, at Lanao del Sur.
Anim na munisipyo ng Lanao del Norte at 39 barangay ng North Cotabato ang puwedeng makasama dito pagkatapos pagbotohan ng mamamayan sa isang plebesito.
Ang bayan ng Cotabato at Isabela ay maaari rin maisama sa BARMM pagkatapos ng plebesito.
Dapat ganapin ang plebesito, 90 araw pagkatapos at bago mag-150 araw na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas.
nina Gerry Baldo at Cynthia Martin