NAKATUTUWA palang kausap ang mga dalaginding na sina Kikay at Mikay dahil parehong bibo at iisa ang mga gusto nila sa buhay maski hindi sila magkapatid.
Kadalasan kasi kapag iisa ang gusto ay magkapatid o kambal, pero sina Kikay at Mikay ay magpinsang buo at hindi pa magka-edad kaya nakatutuwa.
Package deal ang dalawang bagets sa lahat ng projects nila kaya tinanong namin kung sakaling isa sa kanila ay sumikat o mas maraming project ay, “okay lang po, susuportahan namin ang isa’t isa. Walang inggitan po,” duetong sabi nina Kikay (10 years old) at Mikay (13 years old)
Nitong nakaraang Sabado ay pumirma ang dalawa ng kontrata bilang brand ambassadress ng Erase Perfume at Whitening Lotion for kids na pag-aari ni Mr. Louie Razon Gamboa.
Biniro nga namin ang dalawang bagets na bakit kailangan pa nila ng whitening lotion, eh, mapuputi na sila, “gusto pa naming pumuti po.”
Ang dahilan ni Mr. Gamboa kaya sina Kikay at Mikay ang pinili niya sa bagong produkto ng Erase, “Unang-una hindi naman kaila sa inyo na parang advocacy ko na ang tumulong sa mga bata at sila naman ay mina-manage ni Anne Venancio.
“Malaki ang tiwala ko na lahat ng hinahawakan niyang talents na kabataan ay talagang unang-una, magagaling, mababait, may future, at saka maganda ‘yung ginagabayan ng mga magulang. So confident ako na ‘pag si Anne ang may hawak ay hindi ako nagdadalawang-isip.
“To be honest with you, hindi ko naman nasubaybayan ang careers nila. But since sinabi sa akin ni Anne na ‘ninong, magagaling ‘yang mga batang ‘yan, mababait ‘yan, may future ‘yang mga ‘yan’, so tinulungan ko.”
Nakagawa na ng indie film ang dalawa, Tears of Joy ang titulo kasama si Martin Escudero at naipalabas na.
Sa Viva nakakontrata sina Kikay at Mikay sa loob ng limang taon at pangalawang taon na nila ngayong 2018 at ang mga naibigay na sa kanilang projects ay bilang guest, sa Goin’ Bulilit, Impostora, Little Big Shots, Super D, at Amo (TV5).
“May upcoming teleserye po kami ‘Prince Periodical’ na ipalalabas sa Net 25 po. At may regular show din na ‘Happy go Lucky’ sa Net 25 din,” duetong sabi nila.
Mahilig sumayaw ang dalawa at sa katunayan ay K-POP ang estilo nila kaya ito ang ginawa nila nang mag-guest sila sa Little Big Shots.
“Mahilig po kasi sa K-Pop, pero hindi pa kami nakakapanood ng live concert ng K-Pop kasi may mga pasok po kami at masyadong gabi na.
“Nagustuhan po namin sila dahil sa style nila, like kung paano sila manamit, mga clip sa buhok at mapuputi po sila,” saad sa amin.
Kaya pala sila pumayag mag-endorse ng whitening lotion para mas pumuti pa silang lalo.
Ang paborito nilang grupo ay ang Black Pink at si Sandara Park.
Paano nga ba naging Kikay at Mikay ang dalawa.
“Napanood po kasi ‘yung mga video namin sa Youtube at nakita kung paano kami sumayaw kaya roon po, pinangalanan na kaming Kikay at Mikay. Kasi kikay daw kami,” natawang sabi nila.
Hindi naman na rin nanibago ang dalawa dahil halos lahat ay kilala na sila sa kanilang showbiz names lalo na sa eskuwelahan nila sa Veritas Catholic School sa Paranaque City.
Tita nina Kikay at Mikay ang aktres na si Donita dahil ang mama ng aktres ay kapatid ng lola nila.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan