MATAPOS ang kontrobersiyal na ‘tokhang’ umaarangkada naman ngayon ang pagsakote sa mga ‘tambay.’
Dapat daw disiplinahin ang mga tambay na hindi marunong sumunod kahit sa mga ordinansa ng munisipalidad o lungsod. Wala naman tayong pagtutol dito.
Pero ang ipinagtataka natin, bakit buong puwersa yata ng NCRPO ang rumaratsada sa mga tambay?
Ibig sabihin, bakit pulis ang dumidisiplina sa mga tambay?!
Ano ang silbi ng barangay at ng mga barangay tanod kung ang simpleng pagpapayapa sa bawat maliliit na komunidad ay iniaasa sa pulis?!
Ang daming trabaho ng mga pulis at mismong ang maraming mamamayan ay nagrereklamo dahil sa kakulangan mga pulis na maaari nilang hingan ng tulong sa oras ng pangangailangan.
Ang dami ngang pulis na kapos ang kakayahan sa pag-iimbestiga ng mga kaso, kaya ang daming unsolved cases. Imbes paghabulin sila ng mga tambay, dapat sanayin sila sa gawaing imbestigasyon.
Ang mga tambay ay hindi naman armado. Karamihan nga sa kanila ay ‘yung mga out-of-school youth na hindi makapag-aral dahil kapos ang mga magulang. Hindi rin makapaghanap ng trabaho kasi nga kapos sa pinag-aralan.
E kung dadamputin ng mga pulis ang mga tambay na ‘yan lalo ang mga kabataan, lalo nang nagkaletse-letse ang kinabukasan kapag nagkaroon sila ng record sa pulisya.
Nagtataka tuloy tayo kung bakit ba gigil na gigil ang administrasyong ito sa mga tambay?! Na-bully kaya sila ng mga tambay noong kabataan nila, kaya ngayon ay gigil na gigil sila sa mga tambay?!
Anyway, totoo man ‘yan o hindi, ang dapat gawin ng administrasyon ngayon ay i-delegate nang tama ang gawaing-pampamahalaan sa mga ahensiya o yunit ng pamahalaan na dapat gumanap nito.
Higit sa lahat, hindi dapat kalimutan ng mga opisyal ng pamahalaan na tambay man ay may karapatang pantao rin sila bilang proteksiyon.
Kung ‘yung mga aso at pusang kalye nga ay protektado ng Animal Welfare Act (Republic Act 8485) ‘yun pa kayang mga tao na tinatawag nilang tambay?!
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap