ARESTADO ang 40-anyos ginang na umano’y ginagamit ng ‘bigtime drug cyndicate,’ sa ikinasang buy-bust operation at nakompiskahan ng halos P700,000 halaga ng ilegal na droga sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal kahapon.
Kinilala ni Rizal PNP provincial director, S/Supt. Lou Evangelista ang suspek na si Marlyn Datalio, 40, nakatira sa lungsod ng Taguig.
Narekober mula sa suspek ang isang malaking plastic sachet ng shabu, 50 grams ang timbang, at 10 maliliit na sachet na tig-5 gramo.
Sa talaan ng Calabarzon-4A PNP, napag-alaman na noong 2003 unang naaresto sa Pasay City si Datalio dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Nakalaya siya noong 2009.
Ayon kay PRO4A-Calabarazon regional director, C/Supt. Guillermo Eleazar, muling na-monitor ng mga awtoridad ang suspek na bumalik sa kalakaran ng ilegal na droga, partikular sa Taguig at Taytay, Rizal.
Sa kanilang imbestigasyon, ginagamit umano si Datalio bilang drug courier ng isang bigtime drug syndicate sa Taguig City.
Mahaharap si Datalio sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ED MORENO)