SA wakas napalitan na rin ang liderato ng Senado, nang tuluyang sibakin sa pagkapangulo ng 15 senador si Koko Pimentel at palitan ng dating majority leader na si Senador Tito Sotto.
Ayaw man tukuyin ng mga senador na isang coup d’etat ang nangyari, iisa lang ang naglalaro sa isip ng taongbayan: sinibak talaga sa puwesto si Pimentel kasi nga parang wala siyang “balls” bilang kanilang lider.
Ilang beses na bang nalagay sa alanganin ang Senado? Kung ilang ulit ininsulto ng mga palalong miyembro ng Kamara na pinangungunahan ng kanilang hambog na Speaker na si Pantaleon “Bebot” Alvarez. Hindi ba’t minsan niyang tinawag ang Senado bilang “Mabagal na Kapulungan ng Kongreso?”
Naringgan ba nating umalma si Pimentel sa mga pang-iinsultong ito? Nakita ba natin siyang ipinagtanggol ang Senado bilang isang institusyon. Wala!
Bagamat naniniwala tayo sa diplomasya at lahat ay maaaring madaan sa mabuting pakikipag-usap, ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi ka lalaban, hindi ito nangangahulugan na dapat ka nang manahimik at dedmahin ang mga banat sa institusyong kinabibilangan mo.
Hindi kailangan ng Senado ang duwag na lider na takot bumangga kanino man. At lalong hindi kailangan ng Senado ang isang pinuno na sunud-sunuran sa kapritso ng mga lider ng partidong kanyang kinabibilangan.