‘Lovestruck’ sa virtual love/dating maraming nagogoyo
Jerry Yap
May 18, 2018
Bulabugin
MAHIRAP daw magpakilala sa isang tao kapag face-to-face na.
Hindi rin ganoon kadaling ibulalas ang paghanga o damdamin. Iba kasi ang kultura nating mga Pinoy.
Kaya marami ang naho-hook sa mga online friendship or dating apps. Karamihan sa mga Pinoy ang hinahanap pa mga foreigner lalo na ‘yung ‘spokening dollars.’
Ibig sabihin ‘puti’ na ang laman ng wallet ay green currency as in US dollars.
At ‘yan umano ang dahilan kung bakit maraming ‘cyberlovers’ ngayon sa social media. Kung minsan ‘yan ‘yung tinatawag na ‘long distance relationship’ as in LDR, na sa profile picture lang nagkagustuhan.
Hindi natin alam kung nagkakitaan na rin sila sa video call or video chat, malamang, siguro!
Pero, heto ang masaklap, biktima pala sila ng isang malaking ‘love’ scam.
Ang isang scheme, ‘yung magkikita na kunwari sila. Pupunta sa Filipinas ang iniisip na ‘foreigner’ para magkita na sila.
Pero biglang tatawag dahil na-hold umano sa isang airport. Hihiling na padalhan muna siya ng P30,000 o P50,000 at ibabalik pagdating sa Maynila.
Dahil inisip ng Pinay na magdyowa na sila, magpapadala naman. Only to find out na wala palang darating at lalong hindi maibabalik ang pinakawalang kuwarta.
Aruyko!
Sumakit ang bulsa, nasaktan na ang puso, nabitin pa ang puson.
Wattafak!
Pero huwag ninyong isipin na Pinoy lang ang nagogoyo rito. Naiisahan din ang mga foreigner lalo na ‘yung baliw na baliw sa mga Pinay na nakilala sa social media.
Nagkarelasyon at magpapakasal na sa Filipinas. Magpapadala ng pera si kelot para sa kasal pero pagdating sa Filipinas hanggang airport lang pala siya kasi hindi na nagpakita ang bebot.
Huwag naman kasi ninyong gawing katawa-tawa ang mga sarili ninyo.
Virtual lovers lang kayo or cyberlovers. Puwedeng magsabihan ng kung ano-ano pero huwag ipagkakatiwala ang mga pinaghirapan ninyong konting savings o kahit marami pa ‘yang savings na ‘yan o kahit mga pensiyonado pa kayo na looking for companion as you get older.
In short, kung may ka-LDR kayo, foreigner man ‘yan o Pinoy, gawin ninyong motto ang ganito: “Ibigay ang puso at pagbigyan ang pag-ibig, pero itago ang savings!”
Intiendes?!