BINAWIAN ng buhay ang isang buntis habang siyam iba pa ang sugatan makaraan mahulog ang van sa isang bangin sa gilid ng highway sa Tagkawayan, Quezon, nitong Linggo ng madaling-araw.
Kinilala ng mga awtoridad ang buntis na si Sagira Haji Ebrehim.
Ayon sa mga imbestigador, ang mga biktimang pawang mga residente sa Piagapo, Lanao del Sur, ay patungo sa Maynila nang mahulog ang sinasakyan nilang van sa 40 lalim na bangin sa Quirino Highway sa Brgy. Francisco, pasado 4:00 ng umaga.
Bago nahulog sa bangin ay sumalpok ang van sa isang tindahan at waiting shed sa gilid ng kalsada, dagdag ng pulisya.
Ang mga sugatang biktima, kabilang ang van driver na si Alinor Lomondot, ay isinugod sa Maria Eleazar Hospital ngunit kalaunan ay inilipat sa isang ospital sa Maynila dahil sa maselang pinsala sa kanilang katawan.
Ang iba pang mga sugatan ay kinilalang sina Salmira Haji Ebrahim, Alnor Lomondot, Karen Galecia, Don Robert Galecia, Jericho Sablayan, Jonard Pusngan, Camadoleng Lomondot, at isang nagngangalang Allan. Hinala ng pulisya, maaaring nakaidlip si Lomondot habang nagmamaneho ng van.